MGA diktaduryang bansa ang China, Russia, North Korea, at Iran. May kapansin-pansin silang ginagawa. Nagkakaisa sila labanan ang mga demokratikong bansa.
Pangunahing target nila ang Amerika, na may pinakamalaking ekonomiya at militar sa mundo. Pangalawang target nila ang European Union, mayaman ding ekonomiya; at North Atlantic treaty Organization, malakas ding militar.
Pinupuntirya nila ang mga kaalyado ng Amerika at EU/Nato. Ito ang Canada, Japan, South Korea, Austraila, at New Zealand.
Samantala, napipilitang pumili o makisama ng iba pa: India, Argentina, Brazil, South Africa.
Naiipit ang Association of Southeast Asian Nations kung saan miyembro ang Pilipinas.
Hilung-hilo, hinang-hina ang Amerika at EU/NATO. Tumutulong sila kontrahin ng Ukraine and Russian Invasion. Samantala, ina-armasan naman ng China, North Korea at Iran ang Russia.
Sumusuporta ang Amerika sa Israel kontra Hamas sa Gaza. Sa kabilang dako, inuudyokan ng Iran na lusubin ng Lebanon Hezbollah ang Israel. Nangho-hostage rin ng mga barkong Israel ang Yemen Houthi, na galit sa Amerika at Israel.
Napipilitan lumayag ang US Navy sa South at East China Seas. Ginugulo kasi ng China ang mga kaalyado ng Amerika doon: Pilipinas, Taiwan, Japan.
Bilang tulong sa isa’t isa, pinapatrulya rin ang South China Sea ng Britain, France, Germany, Canada, India, Australia, New Zealand. Nahahati na sa dalawa ang mundo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).