Kahit magkatunggali ang Senado at House of Representatives sa isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon, lumalabas pa rin na may katiting na pagkiling ang ilang senador sa isyu ng Charter change (Cha-cha). Kahit pa nagpahayag sila na hindi papayag sa pag-amyenda gaya ng ginagawa ng House na isinusulong ang People’s Initiative (PI) meron pa ring mga senador na tila “balimbing” sa isyu.
Ipinupunto ng mga nagnanais maamyendahan ang Konstitusyon na ang economic provisions lamang ang gagalawin at wala nang iba. Hindi raw dapat matakot na mapapahaba ang termino ng mga elected officials kapag nagtagumpay ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Lumutang ang mga agam-agam makaraang simulan ng Senado—sa pamamagitan ng subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara— ang deliberasyon nito sa “Resolution of Both Houses No.6 (RB6) na inakda nina Senate President Juan Miguel Zubiri, President Pro-Tempore Loren Legarda, at Senate Majority Leader Joel Villanueva. Binigyang-diin naman ni Villanueva na patuloy na maninindigan ang Senado sa pangako nito na pananatilihin ang transparency at accountability sa mga talakayan sa pag-amyenda ng 1987 Constitution. Ang pagsasagawa raw ng mga pagdinig at pagsisiyasat nang sabay-sabay ay mahalagang bahagi ng gawain ng Senado.
Pero may mga nangangamba pa rin sa kabila na sinabing transparency sa pagtalakay sa pag-amyenda ng Konstistusyon. Sabi ni retired Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. na ang mga problema ng bansa ay hindi dahil sa 1987 Constitution, kundi sa hindi maayos na pagpapatupad ng mga probisyon nito. Sabi ni Davide, ang kailangan ng mga tao ngayon ay hindi pag-amyenda kundi ang buong pagpapatupad ng mga prinsipyo at patakaran ng estado nito.Ayon pa kay Davide, lilikha ng mas nakakagambala at malubhang problema kung magkakaroon nang pagbabago sa Saligang Batas.
Kulang na lamang sabihin ng mga dating mahistrado at umakda ng 1987 Constitution na huwag itong galawin o amyendahan dahil wala namang mali rito. Tama lamang na hindi iprayoridad sapagkat maraming problema ang bansa. Kaysa ito ang pagkaabalahan, ang problema ng mahihirap ang tutukan. Maraming biktima ng landslides sa Davao de Oro at walang makain. Malaki ang problema sa West Philippine Sea. Marami ang walang trabaho. Mataas ang presyo ng bilihin. Maraming problema na dapat unahin kaysa Cha-cha.