Ang karapatang magsampa ng kaso sa Korte o ang karapatan bilang may-ari ay maaring mawala dahil sa tagal ng panahon (laches) o dahil natapos na ang panahon itinakda ng batas sa pagsasampa ng kaso. Itong kaso ngayon ay ipaliliwanag kung ano ang kaibahan nitong dalawang dahilan para ‘di makapagdedemanda sa korte.
Ang kaso ay tungkol sa tituladong parsela ng lupa na may sukat na 7, 275-metro cuadrado na pag-aari ng mag-asawang Andy at Annie, sila ay may tatlong anak—sina Dino, Tita at Mila.
Ang lupang ito ay isa sa mga lupang binigay kay Dino ng kanyang mga magulang noong siya’y ikasal kay Tessie, 50 taon na ang nakararaan. Ang donasyong ito ay tinatawag ng donation propter nuptias.
Upang patunayan na tinanggap ni Dino at Tessie ang donasyon, pumirma sila sa resibo at binigay sa kanilang amang si Andy. Pagkaraan ay inokupahan na nila ang lupa bilang may-ari.
Makalipas ang 52 taon noong patay na si Dino at ang kanyang mga magulang na si Andy at Annie, ang mga anak ni Tita at Mila na mga kapatid ni Dino ay nagpakita na isang dokumento kung saan nakasaad na ang nasabing-lupa ay hinati sa tatlong parcela at isinalin sa kanila (Deed of Succession and Adjudication) gamit ang kopya ng orihinal ng titulo.
Kaya nagsampa ng kaso ang mga tagapagmana ni Dino upang pawalangbisa ang nasabing dokumento at ibalik ang kopya ng umano’y orihinal ng titulo. Inangkin nila ang pag-aari ng lupa batay sa kasulatang donasyong pinirmahan ni Andy at Annie kay Dino noong kinasal ito.
Kaya ang dokumentong ginamit ng mga anak nina Tita at Mila ay peke pati mga pirma ni Andy doon ay peke rin dahil patay na siya noong pinirmahan ito. Pati ang “thumbmark” ni Dino sa dokumento ay hindi tunay dahil hindi naman siya humarap sa notaryo.
Ngunit sabi naman ng mga tagapagmana nina Tita at Mila, ang donasyon ay walang bisa dahil wala namang katibayan na tinanggap ito at ang namanang dokumento nila ay may pirma at notaryado. Ang asawa ni Dino na si Tessie ay saksi pa noong pinirmahan ito ni Dino at hindi naman siya tumutol, ayun sa kanila.
Sagot naman ng mga tagapagmana ni Dino, ang donasyon ay may bisa kahit walang pirmang pagtanggap si Dino sapagkat siya ay 17-anyos lang noon. Bukod dito kinuwestiyon lang ito ng mga tagapagmana ni Tita at Mila makaraan ang 50 taon. Kaya ito ay paso na o lampas na sa panahon na tinakda ng batas.
Nagpasya ang RTC na ang donasyon ay talagang walang bisa dahil hindi ito notaryado. Bukod dito, nakuha na ng mga tagapagmana ni Dino ang pagmamay-ari nito dahil lampas na ang panahong tinakda ng batas para magsampa ng kaso tungkol dito. Kinumpirma ito ng Court of Appelas (CA). Tama ba ang RTC at CA?
Tama ang RTC at CA ayon sa Supreme Court. Sabi ng SC, bagamat walang bisa talaga ang donasyon maari pa ring gamitin ang dokumentong ito bilang basehan ng salungat na paghawak ng lupa dahil sa tagal ng panahon. Ang pribadong dokumento ay maaaring basehan ng pagmamay-ari kung mayroong salungat na paghawak nito.
Ang paghawak ng lupa sa tagal ng panahon ng mga tagapagmana ni Dino ay namunga na ng pagmamay-ari nito. Ito ang tinatawag na “laches” o ang kawalan ng aksyon sa matagal na panahon na gawin ang dapat gawin, o ang maaagang pagkilos ng sangkop at masigasig na aksyon.
Ang paghawak ni Dino, Tessie at mga anak nila ay katunayan na sila na ang may-ari ng lupa. Hindi lamang panahon kundi katarungan ang usapin dito. Hindi makatarungan na ang lipas at gastadong karapatan ay ipatupad pa (Heirs of Lorenzo et.al. vs. Heirs of Eustaquio etc. G.R. 209435, August 10, 2022.)