MANILA, Philippines — Itigil na sana ang mga walang katotohanang akusasyon laban sa ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na kumukuwestiyon sa maling paggamit ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Nilinis na ng Commission on Audit (COA) ang PhilHealth sa kinukwestyong paggamit ng Php15 bilyong IRM na batay sa auditing nito ay fully liquidated na ng may 711 health facilities sa buong bansa. Napatunayan ng COA na walang iregularidad sa paggamit ng pondo.
Ang IRM ay isang emergency cash advance na ibininigay sa mga pagamutang kabalikat ng PhilHealth upang tustusan ang mga biglaang pangangailangang medikal ng mga miyembro lalo na noong panahon ng COVID-19 pandemic. Kabilang din sa tinutustusan nito ang mga hindi inaasahang sakuna dulot ng mga kalamidad.
Noong panahon ng COVID na bigla na lang nanalasa sa mundo, kabuuang Php14.97 billion (halos Php 15 bilyon) ang ipinalabas na pondo sa pamamagitan ng IRM dahil sa pangangailangang maagapan at mabigyan ng lunas ang mga dinarapuan ng nakamamatay na sakit.
Kinumpirma ng COA na nasa ayos ang paggastos sa naturang halaga at nakumpleto ang liquidation sa mga 711 health facilities na pinagkalooban ng pondo. Ang malaking halaga ay ginamit sa pagsusuri sa mga pasyenteng may sintomas at paggamot sa mga pasyente. Simula pa noong July 2020 ay naglunsad na ng public information campaign ang PhilHealth upang maipaalam sa taumbayan.
Anang COA sa management letter nito noong September 22, 2023, maayos na naka-comply ang PhilHealth sa mga rekisitos ng transaksyon sa IRM kasama na ang mga isyung may kinalaman sa buwis. So, malinaw sa findings ng COA na hindi na-misuse ang pondo o naibulsa ng mga opisyal. Bagkus, nagamit ito upang mabigyan ng karampatang benepisyo ang mga pasyenteng kasapi sa PhilHealth lalo na noong panahon ng pandemic na libong Pilipino ang nagkasakit.
Papaano na kaya kung sa gitna ng pandemic ay walang ahensyang gaya ng PhilHealth? Salamat sa ahensyang ito na kinilala bilang ahensyang de kalidad ang serbisyo at tumatalima sa international standards.