MARAMING nagsasamantala sa gobyerno—hindi lamang ang mga korap na opisyal kundi pati na rin ang mga dukha na umaasa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Imagine, pinagkakalooban na ang mga mahihirap ng perang ikabubuhay nila sa araw-araw pero inaabuso pa. Inaayos ng pamahalaan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ayuda pero nagsasamantala at umaabuso. Grabe na ang ginagawa ng mga umaasa sa 4Ps. Hindi nakapagtataka kung bakit maraming benepisyaryo ng 4Ps ang hanggang ngayon ay hindi makaahon sa kumunoy ng kahirapan. Sa halip na paunlarin ang sarili mula sa perang kaloob ng pamahalaan ay pawang kabalbalan ang ginagawa.
Ang pang-aabuso ng 4Ps beneficiaries ay natuklasan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mahigit 100,000 pamilya ang inalis na sa listahan ngayong taon na ito. Ayon sa DSWD, natuklasan nila ang anomalya at ang malaking utang ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Gemma Gabuya, national program manager ng 4Ps, natuklasan nila na maraming 4Ps beneficiaries ang sinasangla ang kanilang ATMs sa mga loan sharks at nabaon sila sa utang. Labag sa batas ang ginawa ng mga benepisyaryo kaya agaran silang inalis sa listahan. Natapos na umano noong 2023 ang pagtanggap ng 4Ps nang mahigit 100,000 pamilya na sangkot sa pagsasangla ng ATMs at iba pang paglabag. Ayon pa kay Gabuya, marami pa silang aalisin sa listahan dahil din sa mga paglabag. Nasa proseso raw sila nang paglilinis sa mga 4Ps benefiaries. Ngayong 2024, marami pa umanong aalisin dahil sa pag-abuso at meron ding dahil nag-graduate na sa pagtanggap ng 4Ps.
Noong Hunyo 2023, mahigit 700,000 beneficiaries ng 4Ps ang nag-“graduate” na sa pagtanggap ng buwanang ayuda. Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian nasa 4.4 milyon ang pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. Ang 4Ps ay may taunang budget na P200 bilyon.
Noong 2022, ipinag-utos ni President Bongbong Marcos kay dating DSWD Sec. Erwin Tulfo na linisin ang listahan ng 4Ps beneficiaries. May mga report na inaabuso ang 4Ps. Kahit nakatapos na nag-graduate na, patuloy pa ring tumatanggap at hindi nirereport ang kanilang totoong sitwasyon. Natuklasan na mahigit 1-milyon ang nagsasamantala sa programa.
Sinimulan ang 4Ps noong 2007 sa panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo na ang layunin ay mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at makakamit ng edukasyon ang mahihirap na pamilya.
Ngayong natuklasan na ang pag-abuso ng 4Ps beneficiaries, ipagpatuloy ng DSWD ang paglilinis. Tiyakin na ang mga pagkakalooban ay ginagamit sa wasto at pinauunlad ang sarili para makatakas sa kahirapan ng buhay.