Nang maluklok si Cory Aquino bilang Presidente noong 1986, ito’y itinuring na lakas ng taumbayan na nagtanggal kay dating Presidente Marcos sa kapangyarihan.
Kaya ang pinagmulan ng konseptong People’s Initiative ay ang People Power Revolution na yumanig at nagtanggal sa 20 taong diktaduryang Marcos noong Pebrero 1986.
Kaya nang balangkasin ang bagong Konstitusyon sa panahon ni Cory, inilakip ang pagkilala sa people’s power upang gumawa ng mahalagang desisyon para sa bayan, kasama ang pagbabago sa Saligambatas. Subalit ito’y dapat totoong gusto ng bayan at hindi inudyukan ng sinumang pulitiko na may maitim na agenda.
Ngayon, ginagamit kuno ang People’s Initiative para baguhin ang Konstitusyon. Pero inisyatibo nga ba ng bayan na baguhin ang Karta? Hindi! Ito’y politician’s initiative!
Kasi, mismong mga pulitikong elected officials ang nangangalap ng lagda ng mamamayan para maendorso ang Charter change (Cha-cha). Mga pulitikong maaaring may makasariling agenda.
Many ways to skin the cat sabi nga. Para-paraan lang pero ang inisyatibo ng mga pulitiko para magkaroon ng people’s initiative ay isang tuso, bulgar at bulok na estilo. Ngayo’y nag-iimbestiga na raw ang Senado sa kontrobersiyang ito.
Ngayon pa lang ay nag-aaway-away na ang mga dating magkakaalyado sa isyung ito. Nagugulo ang bansa na batbat na ng mga suliranin.
Itigil na yang Cha-cha at ipahahamak lang ang Inambayan!