NOONG Disyembre 2022, nagmistulang ginto ang presyo ng sibuyas na umabot sa mahigit P700 bawat kilo. Iyon ang unang pagkakataon na naranasan sa bansa ang sobrang mahal na sibuyas. At matindi pa na bukod sa mahal, walang mabili. Nagkaroon ng kakapusan kaya naman itinuring na nagkaroon ng krisis sa sibuyas na nataon pa sa holiday season kung saan kabi-kabila ang pagluluto ng ihahandang pagkain.
Ayon sa mga magsasakang nagtatanim ng sibuyas, hindi naman dapat lumobo ng ganun ang presyo sapagkat wala namang kakapusan sa sibuyas sa bansa. Ayon pa sa mga magsasaka sagana sa sibuyas at ang kailangan lamang ay mga storage o bodega na pag-iimbakan ng mga sibuyas para hindi mabulok.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang House of Representatives at Senado ukol sa krisis sa sibuyas. Nakilala naman ang mga traders na nasa likod ng krisis. Sila ang nagtatago at nagmamanipula ng presyo kaya nagmahal na parang ginto ang sibuyas.
Sa kabila ng mga imbestigasyon ng Senado at Kongreso, walang nakasuhan sa mga ganid na traders ng sibuyas. Pawang pag-iimbestiga lamang ang nangyari kaya ang labis na apektado ay ang mga magsasaka ng sibuyas. Hindi na mabili ang lokal na aning sibuyas dahil dumagsa ang mga imported na kagagawan ng mga ganid na traders.
Sabi ni Jayson Cainglet, director ng Samahang Industriya ng Agrikultura, ang mga inimbestigahan ng Senado at Kongreso noon ay sila rin ang nasa likod ng mga nangyayaring krisis ngayon sa sibuyas. Sila pa rin ang nagmamanipula ng presyo at nagho-hoard ng sibuyas. Walang pinagbago sa nangyayari at mas lumulubha pa ang krisis.
Nagpapatuloy din umano ang smuggling ng agri products at kabilang dito ang sibuyas. Isa rin ang smuggling kaya tumataas ang presyo ng sibuyas. Dumadagsa ang smuggled na sibuyas mula sa China at saka iho-hoard ng mga tusong negosyante. Kapag wala nang sibuyas sa merkado saka ilalabas ang mga nakaimbak. Mataas na ang presyo na ang mga ito at walang magawa ang mamamayan kundi bumili ng gintong sibuyas. Tinukoy ng Senado noon ang isang nagngangalang Luz or Leah Cruz na tinaguriang “Sibuyas Queen”. Nasaan na ang taong ito?
Noong Hulyo 2023, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. hahabulin ang smugglers at hoarders ng agri products. Hindi umano makakalusot ang mga nagpapahirap sa bayan at mamamayan. Hanggang ngayon, wala pang nakakasuhan.
Hanggang kailan ang nakakaiyak na problema sa sibuyas?