MAGPAKALALAKI ka at wala sanang patalikod na transaksiyon. Ito ang matigas na mensahe ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kamakailan sa ating gobyerno.
Patungkol ito sa isyu ng International Criminal Court (ICC) na nag-imbestiga na umano sa Pilipinas sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Maraming nagsasabi, kinakabahan na at nanginginig na ang Senador kaya nagsasalita ito ngayon. May nagsasalita pang “now you know the feeling”.
Ang dating Chief PNP na sumunod sa utos ng nakatataas sa kanya noon, kinakabog na ngayon.
May asong-ulol kasi na naglantad at nagsabing, nakapasok na ang mga imbestigador ng ICC dito sa ating bansa. Balita ko, tatakbo raw yatang mayor ng Caloocan ngayong darating na eleksiyon ang asong-ulol na ‘to?
Tahol este sabi pa niya, may basbas daw ng nasa itaas ang pagpasok ng ICC sa Pinas. Kaya nagpipista ang kolokoy na ‘to ngayon.
Bakit nagpipista? Siyempre gusto niyang sumakay sa isyu, gumawa ng ingay dahil tatakbo nga naman siya sa pagka-mayor.
Ang tanong, nakakatulong ba ang kanyang mga pinagsasabi o nang-iintriga lang?
Kaya Senator Bato, itaga mo ito sa bato para ‘wag ka nang kabahan—hindi mangyayari na ika’y basta tatablahin.
Worry not, alam mo kung bakit? Kasasagot lang ni Pres. Bongbong Marcos—eh ano ngayon kung narito ang ICC, puwede naman silang pumasok bilang mga turista, mamasyal, mag-obserba pero hindi puwedeng mag-imbestiga.
Dahil kapag nag-imbestiga sila ay kailangan nilang ng tulong ng mga alagad ng batas ng Pilipinas.
Malinaw ang sabi ni PBBM, “ICC investigators can enter the country as ordinary people, but ICC would receive no help from any of our government agency.”
Hindi nga naman natin puwedeng tanggihan ang mga turistang ito. Senator Bato, papasukin natin para gumanda pa ang turismo natin.
So, Senator, relax. You’ll be okay, you’re in good hands. Nilinaw na ng Presidente.