Nakaaalarma ang sinabi ng Ecowaste Coalition makaraang lumabas ang isang pag-aaral na 90 percent ng mga basurang nakokolekta sa Manila Bay ay pawang single-use plastic. Ayon sa Ecowaste, hindi lang banta sa kalusugan ng tao ang mga basurang plastic kundi pinalulubha rin nito ang krisis sa kapaligiran at klima. Malaki ang kaugnayan ng mga basurang plastic sa dagat sa climate change.
Sa Marine Litter Monitoring Survey in Manila Bay: Year 1 (2023) report na isinagawa ng Ecowaste, Korean International Cooperation Agency, De LaSalle University-Dasmariñas at Department of Environment and Natural Resources, lumalabas na umaapaw sa basurang plastic ang Manila Bay. Kabilang sa mga basurang plastic na nakolekta sa Manila Bay ay single-use utensils, iba’t ibang sachets ng coffee, shampoo, catsup; wrappers, cup ng noodles at iba pang mga plastic na lalagyan. Marami ring nakolektang fiber, film at hard plastic litter na umaabot sa 240 metriko tonelada.
Noong 2021, sinabi ng World Bank na masyado nang nagdedepende ang Pilipinas sa single-use plastics. Tinagurian na nilang “sache economy” na hindi maganda sapagkat umabot na sa nakaalarmang level ang plastic pollution sa rehiyon. Kung hindi raw magkakaroon ng pagbabago at magpapatuloy sa pagdepende ang bansa sa single-use plastic, lulubha at malaking problema. Ipinayo ang mahigpit na implementasyon ng Solid Waste Management Act of 2000, Clean Water Act of 2004 at ng Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy.
Nang umupo si President Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022, ipinangako niya na tutulong ang Pilipinas sa paglilinis ng mga basura sa karagatan partikular ang mga single-use plastic. Hindi raw tatalikod ang pamahalaan sa tungkulin lalo pa’t ang Pilipinas ay isa sa plastic polluter sa Asia.
Sa ikalawang State of the Nation Address ni Marcos Jr. noong Hulyo 2023, hiniling niya sa Kongreso na magpasa ng batas na mag-iimposed ng excise taxes sa single-use plastics.
Hindi kumilos ang Kongreso at sa halip ang pag-amyenda sa 1987 Constitution ang inaatupag. Mas mahalaga sa mga mambabatas ang pag-amyenda kaysa gumawa ng batas laban sa pagbaha ng single-use plastic na banta sa mamamayan at kapaligiran.
Nakaaalarma ang pag-apaw ng basurang plastic hindi lamang sa Manila Bay kundi pati na rin sa mga ilog, estero at mga kanal. Ang mga plastic na basura rin ang bumabara sa drainages na dahilan nang hindi matapus-tapos na problemang baha sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.