Ang panganib ng Artificial Intelligence
Matagal ko nang nais talakayin ang napapanahong paksang ito ngunit mas maraming mainit na isyu na dapat unahin. Ito ay ang kagilagilalas na ebolusyon ng artificial intelligence (AI) na sa tingin ko’y nahigitan na ang karunungan ng tao sa pagiging malikhain.
Bagama’t may bentahe ito partikular sa pagpapabilis ng mga gawain, tila mas nakahihigit ang panganib na posibleng idulot nito. Halimbawa, puwede itong lumikha ng video upang palitawing may ginagawa o sinasabi ang isang tao na hindi naman talaga ginawa o sinambit.
Maaaring palitawin na ang isang inosenteng indibidwal ay gumawa ng karumal-dumal na krimen upang ang tunay na may sala ay makalusot sa hustisya.
Posible ring lumikha ng sex video laban kanino man at gamitin ito’ng pam-blackmail.
May serye ng video sa Facebook na doo’y nag-uusap sina dating Presidente Arroyo, Duterte at Erap kasama si Presidente Bongbong Marcos at pulos kabalbalan ang pinag-uusapan. Kung diringgin, talagang boses nila ang nagsasalita ngunit ito ay likha lang ng teknolohiya ng artificial intelligence. Nakakatuwa sa una ngunit kapag natanto mo na maaari itong gamitin sa krimen at paninira sa isang indibidwal, mangingilabot ka.
Marami nang mga celebrities na nagrereklamo na ang pineke nilang katauhan ay ginagamit sa pag-endorso ng mga produkto. Kaya ngayon pa lang ay nababahala na ang PNP Cybercrime Group sa tinatawag nilang “deepfake” videos na lumalaganap ngayon sa cyberspace.
Darating ang panahon na ang mga larawan, video at recorded messages ay hindi na maaaring gawing ebidensiya sa korte. Hindi bale sana kung ang AI ay gagamitin lang sa mabuti ngunit ang tao ay likas na creative lalo na sa mga bagay na labag sa batas.
- Latest