Smart-magic hocus PCOS ba ulit sa Halalan 2025?
NAIS ng Filipino info-technologists na gawing hybrid electronic system ang mga halalan. Ang “hybrid” ay pinaghalong mabubuting katangian ng iba’t ibang sistema. Sa hybrid election ibabalik sa manual ang pagboto at pagbilang sa presinto, pero electronic ang transmission at canvassing.
Mas kapani-paniwala, mas mura, malinis ang hybrid.
Bubuwagin ang precinct clusters ng 800-1,000 botante. Ibabalik ang mga dating presinto na tig-200 botante lang. Magkakapitbahay, magkakakilala sila, mga 20-30 kabahayan lang. Hindi sila magdadayaan o mag-aaway. Huli agad ang flying voter.
Walang kinalaman ang manual sa pagbenta ng boto. Nangyayari ‘yon sa labas ng presinto, manual man o electronic ang sistema.
Kapag 200 lang ang botante kada-presinto, mabilis ang botohan, 7:00 a.m.-3:00 p.m. Tapos, 3-5 oras na bilangan, o hanggang 8:00 p.m. Nasa projectors ang pangalan ng lahat ng kandidatong pambasa at panlokal.
Sa gitna ng silid nakapuwesto ang tatlong teachers-election inspectors. Nakapaligid sa kanila ang party at volunteer watchers. Tagabasa ang isang teacher, taga-tara ang dalawa pa. Lahat ng tara ay makikita sa projectors.
Habang binibilang at tinatara ang boto, tina-tally na rin sa laptop. Tapos, transmit agad sa Comelec canvassing centers sa munisipalidad, lungsod, distrito, probinsya at sentral. O-obligahin ang Comelec na ipaskel sa website ang resulta ng bawat presinto. Maski nasa bahay ang botante, pwede niya ma-check sa website ku’ng totoo ang bilang.
Sa hybrid hindi na kailangang bumili ng bilyun-bilyong pisong vote counting machines at accessories. Hindi na ito kailangang i-bodega nang P1.2 bilyon sa tatlong taong pagitan bawat election. Puwedeng i-donate ang projectors at laptops sa public schools pagkatapos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest