Nakabuwelo na sana! Nabuking pa! (People’s Initiative)
MUNTIK na sanang makakuha ng buwelo itong mga chuwariwariwap, mga sipsip na nasa likod ng signature campaign na tinatawag nilang People’s Initiative.
Ang kanilang layunin daw ay amyendahan ang Saligang Batas. Subalit kuwidaw, puwede rin nilang baguhin at dagdagan ang nilalaman ng ating Konstitusyon.
Nag-umpisa ito sa Kongreso. Lumibot na ang mga galamay nitong nagdaang kapaskuhan. Sinamantala ang okasyon ng pagbibigayan at pagtanggap ng mga regalo—’yun nga lang, mula sa mga trapong pulitiko.
Ibang mag-isip ang mga trapo. Everybody happy sa kanilang mga perang pinamumudmod na galing naman sa kaban ng bayan.
‘Yung perang mula sa kaban ng bayan ang ginamit ng mga trapo para manuhol, mang-akit at manlinlang kapalit ng pirma.
Pirma bilang patunay na ang taumbayan ay pumapayag na amyendahan o baguhin ang ating Saligang batas kaya nila tinawag na People’s Initiative.
Ang siste, mismong mga mambabatas din na makakaliwa ang naglantad ng kanilang maitim na balakin ng pangangalap ng mga pirma.
Binuking ang estilo ng kanilang panlilinlang at panloloko sa mga barangay at mga probinsiyang kanilang pinagpapasok.
Okay na sana, ang ganda na sana ng samahan sa loob ng kongreso. Kapansin-pansin, wala masyadong kumokontra na everybody seems to be okay, in harmony sa loob ng kongreso.
Ano kaya ang sikreto? Ang sarap talaga ng tinatawag na extraordinary expenses fund o pork barrel kung tawagin dati.
Eh kaso, may nagkabukingan. May nambisto kaya marami na rin ang lumabas at nagsalita mula sa iba’t ibang lugar.
Kung titingnan natin, marami nang nagdaang president ang nagtangkang amyendahan ang Philippine Constitution. Kung anu-ano na rin ang tinawag—Cha-cha, con-ass, con-con at people’s initiative.
Pero itong nagdaang administrasyon, may ginawa na ang gobyerno para sa tinatawag na economic provisions na ginagawang dahilan ngayon para sa Cha-cha.
Nandiyan ang Republic Act 11659 o Public Service Act. Puwede nang magnegosyo, fully-owned by foreigners sa industriya ng telecommunication, shipping, airline, railway, toll road, attransport network vehicle industries.
Ang Republic Act 11647 o Foreign Investment Act. Pinapayagan ang mga dayuhan na magkaroon ng 100 percent ownership sa mga negosyong startups, startup enabler, enterprises with advanced technology.
Nagawa ang mga batas na ito nang walang Cha-cha-cha-cha. So bakit ngayon, pinagkakaabalahan at pinagpipilitan ng ating mga mambabatas ang Cha-cha?
- Latest