HINDI tumitigil ang China sa pambu-bully at tumitindi pa sapagkat pinagbabawalan na ang mga mangingisdang Pilipino sa pagkuha ng seashell sa Bajo de Masinloc, Zambales. Hindi na katanggap-tanggap ang ginagawa ng China na pinagbabawalan ang mga Pilipino sa sariling teritoryo.
Naganap ang pangha-harass sa mga mangingisda noong Linggo. Ayon sa Philippine Coast Guard, hinarang ng mga miyembro ng China Coast Guard na nakasakay sa rubber boat ang mga mangingisda. Hinawakan pa umano ng mga CCG ang bangka ng mga Pinoy fishermen para hindi makaalis.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, may mga video sila na nagpapatunay na hinarass ng CCG ang mga Pilipino. Ayon umano sa mangingisdang si Jack Tabat, nilapitan sila ng limang miyembro ng CCG nang makita na kumukuha ng seashells sa lugar. Low tide umano sa lugar kaya madaling kumuha o humuli ng seashells.
Ayon kay Tabat, nakita ng mga CCG ang mga nakuha nilang seashells na nasa bangka. Inutusan umano sila ng mga ito na ibalik sa dagat ang mga nakuha nilang shells. Hindi umano sila pinaalis hangga’t hindi nila ibinabalik ang seashells. Hinawakan ang kanilang bangka para hindi sila makatakas. Wala umano silang nagawa kundi sundin ang utos ng limang CCG para wala nang mangyari pang masama. Matapos nilang ibalik sa dagat ang seashells saka sila hinayaang makaalis. Pero kahit nakaalis na sila nanatiling nakabantay ang CCG.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hinarass ang mga mangingisda sa Bajo de Masinloc. Noong Disyembre, hinarang ang mga mangingisdang Pinoys ng mga Chinese militia at saka itinaboy. Ang Bajo de Masinloc ay kinaroroonan nang maraming isda. Dahil sa ginawa ng mga Chinese militia, walang naiuwing huli ang mga mangingisda. Wala silang kinita kaya gutom ang inabot nila at pati ang pamilyang umaasa sa kanila. Masamang-masama ang loob nila sapagkat pinagbawalan silang makapangisda sa sariling teritoryo.
Gagawa umano ng hakbang ang PCG laban sa ginagawa ng CCG na pangha-harass sa mga mangingisda. Hindi sinabi ni Tarriela ang hakbang na gagawin. Maaaring ang pagpapatrulya ng PCG sa lugar ang maaring gawin.
Mas makabubuti na ipagpatuloy ang paghahain ng protesta laban sa China. Isa rin sa maaring gawin upang masaktan ang China sa ginagawang pangha-harass ay iboykot ang kanilang mga produkto. Sa pamamagitan ng pagboykot, mararamdaman ng China ang sakit. Hindi makakayang labanan ng Pilipinas ang China dahil malaki ito at sapat ang armas pero sa pagboykot at pagsuspende sa mga malalaking proyekto nila sa bansa, mararamdaman nila ang kirot.