NITONG nakaraang hearing ng Senado hinggil sa naganap na malawakang blackout sa Western Visayas, nakita ng publiko ang galit at poot ng ating mga Senador.
Lahat sila, sinisisi ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Maliban sa isa- si Sen. Chiz Escudero.
May nakikita itong si Sen. Escudero at iba ang kaniyang pananaw kumpara sa iba. Hindi siya naninisi bagkus gusto niyang imbestigahan kung ano ba ang sanhi ng malawakang blackout.
Kung ‘yung ibang mga Senador, aburido at galit, itong si Sen. Escudero ay kinukumbinsi ang Committee on Energy na tingnan ang pinakamalalim na dahilan para maiwasan ang ganitong pangyayari.
Madali nga namang ibaling ang sisi at sabihing kasalanan agad ng NGCP. Pero teka lang muna, may ibang players at stakeholders’ din na dapat tingnan.
Ang sinasabi niya, isama sa imbestigasyon ang mga proseso ng power generation, transmission at distribution para makita ang buong larawan at maiwasan ang turu-turuan.
Ano nga ba naman ang magagawa ng NGCP kung planta mismo ang may problema? Anong ita-transmit na kuryente ng NGCP kung biglang nagshut-down ang mga planta?
Pinipilit ng ibang mambabatas na dapat gawin ng NGCP ang manual load dripping pero labag naman ito sa ilalim ng Grid Code.
Kaya ‘wag munang magturo-turuan ng parang nasa fastfood lang. Pakinggan niyo kasi sa Senado ang paliwanag ng inyong mga resource persons.
Sana, pinasalita niyo ang NGCP para makita kung talagang nagsasabi ng totoo o nagsasabi ng kasinungalingan.
Kapag kasi inimbita niyo sa Senado sa inyong imbestigasyon para maging resource person, pasalitain niyo naman para marinig din ng taumbayan. Kung mali man ang kanilang sabi ay malalaman kung pinagloloko o tsinutsubibo lang tayo.
Hindi ‘yung I wish to be recognized – NO! May I speak – NO! Eh, inimbita niyo pa kung ‘di sila pasasalitain at kakastiguhin lang pala.
Ginawa na sa akin nito noon nung dating parang asong-ulol sa kanilang imbestigasyon sa Senado na ngayon ay binasura na ng Ombudsman.
So, bakit iba ang pananaw nitong si Sen. Escudero? Eto ang gusto kong mapalawak at malinawan gayundin ang publiko – kaya Sen. Chiz Escudero, nawa’y buksan mo ang pintuan ng opisina mo para sa BITAG para sa aming interview.