Sa kasong pagpapaalis sa lupa, ang katanungang sinasagot ay kung sino ang naka-okupa at di kung sino ang may-ari. Pero sa pagpasya kung sino ang nakaokupa, maaari rin bang pagpasyahin kung sino ang may-ari? Ito ang sasagutin sa kaso ngayon.
Ang lupang sangkot dito ay pag-aari nina Ramon at Betty na may sukat na 109 square meters. Noong bumalik si Betty mula U.S, nagulat siya na may nakaokupa sa lupa na hindi niya kakilala. Nang tanungin niya ang mga ito, sinabi sa kanya na sila ay nangungupahan doon at nagbabayad nang renta kay Carding na pamangkin ni Betty. Kaya sinabihan niya ang mga nakaokupa na siya ang may-ari ng lupa at di pinahintulutan si Carding na paupahan ito.
Tapos ay kinumpronta ni Betty si Carding na umamin na siya ang namamahala sa lupa at kumukolekta ng upa para sa kanyang tiyahin si Tina, kapatid ni Betty. Pagkaraang ipaalam ni Betty kay Carding na siya ang may-ari ng lupa, kusang umalis si Carding at Tina, at sinoli na ito ng mga naka-okupa kay Betty. Kaya kinuha ni Betty ang lupa at sinalin ang pamamahala nito at pagkolekta ng upa kay Nita na kapatid din niya.
Pagkaraan ng tatlong lingo nang bumalik na si Betty sa U.S., inabisuhan siya ni Nita na kinuha uli ni Carding at Tina ang lupa at pinagbawalan ang mga naka-okupa na pumasok sa lupa. Kaya nagsumbong na si Nita sa barangay at kumuha ng abogado upang paalisin si Carding at Tina at mga nakaokupa. Nang ayaw umalis ang mga ito, dinemanda na ni Betty si Carding at Tina ng forcible entry.
Bilang sagot sinabi ni Tina at Carding na hindi naman si Betty ang may-ari ng lupa. Sinabi nila na kahit na nakalagay sa Titulo ang pangalan ni Betty bilang asawa ni Ramon, ang kasal nila ay napawalang bisa na dahil ito ay bigamya, kasi may asawa na si Ramon noong kasal sila. Bukod dito sinabi ni Ramon mismo na si Tina na ang bagong may-ari ng lupa.
Matapos madinig ang kaso, nag pasiya ang Metropolitan Trial Court (MeTC) pabor kay Betty na pinaaalis si Tina at Carding sa lupa at magbayad ng danyos na P5,000 kada buwan hanggang umalis ang mga ito. Kinumpirma ito ng Regional Trial Court (RTC) nagpasiya ang RTC sa usapin tungkol sap ag-aari ng lupa at sinabi na si Betty ay kapwa may-ari ng lupa dahil ito ay nabili noong mag-asawa pa sila ni Ramon, kaya ang dokumento pinirmahan ni Ramon na isinalin ang parte niya sa lupa ay hindi patunay na nilipat na niya kay Tina ang kanyang parte sa lupa.
Pero hindi kinompirma ito ng Court of Appeals (CA). Sabi ng CA, na ang kasong pwersahang pag-pasok (forcible entry) ay hindi tama sapagka’t may magka-ibang pag-angkin ng pag-aari ng lupa. Kaya sabi ng CA na dapat magsampa uli ng tamang kaso upang mapasyahan ang usaping kung sino ang may-ari at di laman kung sino ang may-hawak nito. Tama ba ang CA?
Hindi, sabi ng Supreme Court (SC). Kahit na pinag-uusapan kung sino ang may-ari sa kasong forcible entry tulad nitong kaso maaari pa ring pagpasyahan ng korte ang usapin kung sino ang may-ari nito sa nasabing kaso at di lamang kung sino ang dapat nakaokupa o nakaposisyon nito. Ang dalawang usaping ito ay magkaugnay at di magkahiwalay. Ang usapin kung sino ang may-ari ay dapat pasyahan upang malaman kung sino ang dapat umokupa at humawak ng lupa. Sa kasong ito nasa possesyon na ni Betty ang lupa noong kinuha at pinasok uli ito ni Carding at Tina at pinaalis ang mga nakaokupa rito. Kaya nagsampa si Betty ng kasong puwersahang pagkuha (Esperal vs. Esperal and Biaoco, G.R. 229076).