Nagbunga ang mahigpit na pagmamatyag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa kilos ng mga kapulisan matapos na itinanghal na number three sa pinakaligtas na bansa sa Southeast Asia batay sa report ng GALLUP Global Law and Order.
Palakpakan natin ang PNP sa mahusay na pamumuno ni Acorda!
Siguradong wala nang hadlang ang pag-promote sa mga opisyal ng PNP dahil sa magandang report sa peace and order sa bansa. Maliwanag na nagtatrabaho ang PNP para bigyang proteksiyon hindi lamang ang mamamayang Pilipino kundi maging sa mga turista o mga dayuhan na nagtutungo rito sa bansa.
Magandang accomplishment ito sa 227,000- strong PNP sapagkat sa nakaraang administrasyon, puro indulto at semplang ang inabot ng mga pulis lalo sa kampanya laban sa droga kaya puro kapintasan ang inabot. Maraming paglabag sa karapatang pantao kaya nag-iimbestiga ang International Criminal Court na pilit namang hinahadlangang makapasok sa bansa. Pero may balita ako na nakapasok na ang ICC at nakalabas na rin. Nakapag-imbestiga na kaya agad ang ICC?
Sa pagiging number 3 sa pinakaligtas na bansa, sinabi ni Acorda, “This accolade serves as a testament to the unwavering dedication of our law enforcement agencies and the collective vigilance and cooperation of our fellow Filipinos. I would like to express my sincere appreciation for the continuous support, cooperation, trust, and confidence bestowed upon the PNP. This remarkable achievement would not have been possible without the invaluable contributions of each individual involved.”
Sa palagay ko, malaki talaga ang ibinaba ng krimen ngayong buwan na ito at patunay ang maaayos at payapang selebrasyon ng Itim na Nazareno na nabantayan ng Manila Police Disrict. Milyong tao ang dumagsa sa traslacion mula Qurino Grandstand hanggang sa pagbalik nito sa Quiapo. Naging mabilis din ang prusisyon ngayong taon na inabot ng 12 oras dati ay 20 oras o inaabot ng madaling araw.
Naging maayos ang pamamahala ni MPD director Col. Arnold Tomas Ibay kaya naging tagumpay ang traslacion 2024. Walang naiulat na namatay o kaguluhan habang isinasagawa ang prusisyon.
Ang pinagtutuunan naman ngayon ng pansin ng PNP ay ang seguridad sa kapistahan ng Santo Niño sa Cebu at ganundin sa mga kapistahan sa Aklan at Iloilo. Siguradong dadagsain ng mga Pinoy at dayuhan ang mga pagdiriwang sa mga nabanggit na probinsiya. Tinitiyak ng PNP ang maayos at matiwasay na pagdiriwang.
May katwiran lang talaga na ma-extend ang termino ni Acorda dahil napanatili nito ang pagiging ligtas ng Pilipinas at number three nga sa Southeast Asia. Sana magtuluy-tuloy ang pagiging ligtas ng Pinas.
Kaya lang, sa kabila ng pagsisikap ni Acorda, sandamakmak pa rin ang mga bugok na pulis. Noong nakaraang linggo, maraming pulis ang sinibak sa puwesto at inihayag mismo ito ni President BBM. Pawang sangkot sa illegal drugs ang mga pulis na sinibak. Dapat lang sibakin ang mga pulis na sangkot sa drugs dahil sila ang nagwawasak sa imahe ng PNP.