Patuloy na pambu-bully
PANA-PANAHON lang talaga. Noong administrasyon ni dating Pangulong Duterte, napakabango ng Pilipinas sa China. Si Duterte mismo ang hindi nag-aksaya ng panahon para purihin hanggang langit ang China at si Pangulong Xi Jinping.
Ang kapalit ay napakaraming pangakong pondo para sa mga malalaking proyektong imprastraktura sa bansa. Pero ngayong iba na ang administrasyon na mas malapit sa Amerika, nag-iba na ang ihip ng hangin. Wala ang karamihan ng mga ipinangakong pondong iyan.
Ilang insidente sa karagatan ang naganap naman ngayon sa ilalim ng adminsitrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kung saan malinaw ang pambu-bully ng Chinese Coast Guard (CCG) sa ating mga mangingisda, barkong pananaliksik at mga naghahati ng suplay sa mga sundalo natin sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Pagharang sa mga barko, paggamit ng water cannon, military-grade laser at ngayon tila may bagong sandata ang CCG, ang tinatawag na Long Range Acoustic Devices (LRAD).
Ginamit ang LRAD sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong nakaraang taon. Naglalabas ito ng ibang klaseng tunog na masakit sa tenga, mas malakas pa sa ingay mula sa eroplanong papalipad na. At ang pinagkaiba rin nito ay mas naka-focus ang ingay imbis na kalat.
Ang paghahambing na ginamit ay tila flashlight, kumpara sa nakasinding bumbilya. Ang epekto sa tao ay masakit sa tenga na nagdudulot ng pansamantalang pagkabaldado.Kung malapit sa pinanggagalingan ng LRAD, maaaring mabutas ang eardrum at mauwi sa pagkawala sa pagdinig.
Hindi rin natuwa ang China sa pagbati ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa bagong halal na Pangulo ng Taiwan. Ininsulto pa nga opisyal ng Chinese Foreign Ministry si Marcos. Ipinatawag ng Beijing ang ating ambassador doon para iparating ang kanilang pagkayamot at dismaya.
Ang mga pahayag umano ni Marcos ay paglabag sa “One China Policy.” Itinuturing ng China ang Taiwan na isang rebeldeng estado at iginigiit na bahagi pa rin ng China. Pero iba ang pamamalakad ng Taiwan kung saan may demokrasya. Maunlad ang Taiwan. Kaalyado rin ng Taiwan ang Amerika, tulad natin, na nagdadagdag lang sa galit ng China.
Nasa higit 200,000 OFWs ang nagtatrabaho sa Taiwan, kaya mahalaga rin ang relasyon natin sa kanila. Ito ang ipinaliwanag sa Beijing. Natrural, hindi ito tinanggap ng Beijing at naghain ng protesta.
Ang mga protesta ba natin hinggil sa mga pangyayari sa West Philippine Sea ay binibigyan nila ng halaga? Dapat ganun din gawin natin.
- Latest