Nagbibigay pugay ang Davao City sa kinikilalang “Crocodile King” na si Philip “Sonny” Dizon.
Hindi matatawaran ang kontribusyon niya sa ekonomiya at environmental concerns ng siyudad sa matagal na panahon.
Si Sonny, 64, ay pumanaw noong Enero 7 dahil sa isang vehicular accident.
Lulan siya ng kanyang Can Am three-wheeled motorcycle sa bayan ng Balutakay, Bansalan, Davao del Sur nang maganap ang trahedya.
Pinaparangalan at pinasasalamatan ng Dabawenyos si Sonny dahil sa kanyang pagtatatag ng Crocodile Park na isang leading tourist spot dito sa Davao City.
Si Sonny din ang nasa likod ng pagpundar ng ilang tourism establishments sa Davao Region gaya ng Mt. Apo Highland Resort kung saan matatagpuan ang Lake Mirror at Mt. Apo Civet Coffee farm niya sa Bgy. Kapatagan. Digos City, Davao del Sur.
Mahilig din si Sonny sa adventure sa karagatan kaya itinayo niya ang Maxima Beach Resort sa Samal Island.
Pag-aari rin niya ang water rafting sa Tamugan River.
Ang tinatawag na crocodile park dito sa Davao City ay talagang dinadayo ng mga turista kung saan siya rin ang nagpakilala ng crocodile lechon at maging ang pagbebenta ng crocodile meat dito.
Ang pamilyang Dizon ay nasa likod din ng Dizon Farms na producer ng vegetables and fruits na dini-distribute sa buong bansa.
Isang mahalagang endeavour din na ginawa ni Sonny ay ang pagpundar niya ng Mindanao Tourism Channel na ipinakikita ang iba’t ibang tourist sites sa katimugan.
Kaya hinding-hindi matatawaran ang nagawa ng isang Sonny Dizon para sa lungsod ng Davao.
Totoong taga-Pampanga ang mga Dizon ngunit ipinakita ni Sonny na siya ay tunay na anak din ng Davao.