Pinoy professionals, ‘jobless’ sa Canada?

Ano ang tsansa ng mga professional na Pilipino na dumadayo sa Canada? Ano ang  nagiging kapalaran ng mga Pilipinong duktor, nurse, inhinyero,arkitekto, abogado, scientist, computer o IT specialist, teacher, accountant, chemist, electrical engineer, artists, designers at iba pang college o university degree holder na naninirahan sa naturang bansa? Malaya ba nilang naisasagawa ang kanilang propesyon doon?Nagkakapagtrabaho ba agad sila pagdating sa Canada? Anong klase ng trabaho ang napapasukan nila kung meron man?

Noong huling bahagi ng 2023, itinampok ng Radio International Canada ang karanasan ni  Rex Gonzales na isang Pilipinong naging industrial engineer at project manager sa Pilipinas sa loob ng 16 na taon. Dumayo sina Gonzales at ang kanyang asawa’t anak na babae sa Vancouver, Canada noong Hulyo 2022. Umasa siya na gaganda ang kanyang tsansa na makapagtrabaho sa Canada pero hindi ito nangyari.  Nahirapan siyang maghanap ng trabaho na may kaugnayan sa kanyang propesyon bilang inhinyero mula nang lumipat siya sa naturang bansa. Mahigit 100 kumpanya na ang kanyang inaplayan pero hindi siya natanggap.

Dahil dito, ang napasukan lang niyang trabaho ay ang pagiging deli clerk habang  kinukumpleto ang master’s degree sa business administration.Kumuha rin siya ng sertipikasyon sa project management. Habang isinusulat ito, nagtatrabaho Si Gonzales  bilang shift supervisor sa isang establisyamento na nagtitinda ng prutas at gulay. Inilarawan ang kanyang trabaho bilang isang survival job.

“Ang paghihirap ko na ito ay nakakaapekto financially, dahil sa sitwasyon [ng housing] dito sa Vancouver at, syempre, ang tumataas na cost of living,” sabi ni Gonzales sa wikang Ingles pero optimistiko siya sa pagsasabing  “Obviously nakaka-‘frustrate’. Pero bilang mga imigrante, tayo ay resilient. Nagsakripisyo tayo financially, emotionally, malayo mula sa ating pamilya at mula sa ating tinubuang bansa — at ito ay isang lang setback…malalagpasan natin ito, sa tingin ko.”

Sinalamin dito ang karaniwang nangyayari na ang mga dayuhang professional tulad ng sa mga Pilipinong nakatapos ng pag-aaral at nakapagsimula ng sarili nilang karera sa Pilipinas ay hindi makapagpraktis ng sarili nilang propesyon kapag nanirahan sila sa Canada. Nauuwi sila sa trabahong iba o malayo sa naging karera, kasanayan at pinag-aralan nila sa Pilipinas. Para silang “jobless”. Meron nga silang trabaho pero hindi iyon ang kanilang propesyon.

Nakapagpapaalala rito iyong kaso ng mga nurse mula sa Pilipinas na ang naging trabaho nila sa Canada ay malayo sa kanilang pinag-aralan dahil hindi kinikilala sa naturang bansa ang kredensiyal, diploma at kasanayang nakuha nila sa Pilipinas. Dumaraan muna sila sa marami, magastos at napakatagal na mga proseso bago sila tanggapin at kilalanin bilang ganap na nurse. At habang naghihintay sila na kilalanin ang kanilang kredensiyal, kailangan nilang makakuha ng ibang trabaho kahit mababa para mabuhay. Trabaho na malayo sa kanilang propesyon, at napakaliit ng sahod.

Lumilitaw din ang reyalidad na ito sa isang pananaliksik na pinamagatang “Low Job Market Integration of Skilled Immigrants in Canada: The Implication for Social Integration and Mental Well-Being” at ipinalabas ng Multidisciplinary Digital Publishing Institute (MDPI).

Lubhang mabigat at malalim ang diskusyon sa naturang pag-aaral pero pinatutungkulan dito ang mga dayuhang professional na hindi makapagpraktis ng sarili nilang karera sa Canada sa maraming kadahilanan. Iisa sa pangunahin dito ay ang hindi pagkilala sa kanilang pinag-aralan, diploma, kredensiyal at kasanayan sa pinagmulan nilang bansa.

Batay sa pag-aaral o pananaliksik, ang mga highly-skilled na  dayuhan na nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo o pamantasan sa kanilang pinagmulang bansa ay nauuwi lang sa mga trabaho na hindi nangangailangan ng college diploma. Halimbawa, ang mga Pilipino na pharmacist sa Pilipinas ay nagi-ging katulong lang sa botika. Ang mga nurse mula sa ibang bansa ay nagiging healthcare aides lang sa Canada. Ang mga duktor mula sa ibang bansa tulad ng sa Pilipinas ay napipilitang tumanggap ng trabaho na iba o malayo sa kanilang propesyon. Nawawala ang kanilang identidad bilang manggagamot sa dinayo nilang bansa.

Lumilitaw din sa pag-aaral na dahil sa umiiral na diskriminasyon sa maraming kumpanya sa Canada, nahihirapang makapasok dito ang mga dayuhang professional.  Tinatanggap nga ng bansang Canada ang mga dayuhang mataas ang pinag-aralan, merong karanasan at kasanayan pero, pagdating nila roon, nahihirapan silang makapasok sa trabahong kunektado sa kanilang karera. Hinahanapan sila ng mga employer ng karanasan sa trabaho sa Canada, kakayahang magsalita, magbasa at makaintindi ng lengguwaheng Canadian at kailangan meron silang White English at French Accent kapag nagsasalita. Para ka matanggap sa trabaho, dapat nauunawaan mo ang kultura sa Canada at nakakaangkop ka kanilang pamumuhay. Lumalabas sa pag-aaral na ang mga dayuhan mula sa Asia ay madalang tawagan ng mga inaaplayan nilang kumpanya kahit ang kanilang kredensiyal ay katulad ng sa mga professional na ipinanganak sa Canada.  Kokonti ang mga professional na Pilipino o  ibang dayuhan na natatanggap sa trabahong may kaugnayan sa kanilang karera kumpara sa mga Canadian na katulad ng sa kanila ang propesyon. Marami ring kailangang bayaran para sa mga kailangang examination o ibayong pag-aaral at matagal na panahon bago makakuha ng lisensiya ang isang professional na Pilipino kaya, habang naghihintay siya, napipilitan siyang tumanggap ng maliliit na trabaho na napakababa ng sahod. Kailangan din nilang kumain araw-araw, magpaaral ng mga anak, tugunan ang mga upa sa kanilang tinitirhang bahay at iba pang gastusin kaya napipilitan silang tumanggap ng mga trabahong iba sa kanilang pinag-aralan o  propesyon.

Pero isa itong bagay na dapat ding inaalam at isinasaalang-alang ng ibang mga Pilipino na nagpaplano pa lamang dumayo sa Canada para maging handa sa kanilang kakaharaping buhay pagdating doon. Hindi masamang maghangad ng bagong kapalaran sa ibayong-dagat. Maging maingat lang at maging maalam.

* * * * * * * * * *

Email-rmb20121x@gmail.com

Show comments