MAY bagong estilo ng modus ang mga illegal recruiter. Ang kanilang gamit na patibong para makapambiktima—language o skill training kuno.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval, iniimbitahan ang mga kababayan natin na sumailalim sa language o skills training sa abroad. Sasagutin umano ng “sponsor” ang lahat ng gastusin kasama na ang bayad sa student visa.
Ganito ang inilapit sa BITAG bago mag-Pasko nung nakaraang tao. Inirereklamo ng ginang ang pang-o-offload sa kanya ng isang ahente ng Bureau of Immigration sa kabila ng mga kumpletong dokumentong kanyang ipinakita.
Ang kanyang sponsor, isang Dutch National na nakilala niya sa Facebook. Nagmagandang loob daw ito na pag-aralin siya ng German Language sa Germany.
Mula plane ticket, student visa hanggang sa mga dokumentong ni-require umano ng embahada ay binayaran ng kanyang sponsor.
Ang siste, sa araw ng kanyang flight ay hindi pinayagan ng immigration na makalipad ang ginang.
Nakita umano sa system ng BI na makailang beses nang nag-attempt palabas ng bansa ang ginang. Sa interview din umano sa kanya ng mga ahente ng immigration, sinabi niyang potential employer ang kanyang sponsor.
Eto ang iniiwasan ng bansa natin. Ipinaliwanag ni BI Spokesperson Sandoval na ang pagtatrabaho overseas ay isang government to government activity at hindi pag-uusap ng mga indibidwal lamang.
Ang bawat bansa ay may kasunduan sa Pilipinas kung saan nakasaad ang mga requirement, restriction at proteksiyon sa pag-empleyo ng mga manggagawang Pilipino.
Delikado ang kalalabasan ng pagkagat sa ganitong alok dahil oras na makalabas ka ng bansa ay malaki ang posibilidad na maabuso ang manggagawa.
At dahil hindi pumasok sa radar ng ating gobyerno, mahihirapan silang saklolohan ang manggagawa sa oras na magkaroon ng problema sa bansang pagtatrabahuhan nito.
May mga katanungan ding naglaro sa isipan ng BITAG patungkol sa ginang. May mga accredited na language at training centers ang Germany sa Pilipinas, bakit hindi siya sumailalim ng pagsasanay rito?
Kung employment ang pakay ng kaniyang employer, bakit hindi dumaan sa isang lehitimong recruitment agency na nasas ilalim ng patnubay ng Department of Migrant Workers?
Mas maganda ang maging paladuda nang hindi mabiktima. Kaya babala ng BITAG, huwag mag-shortcut at ‘wag basta magpaniwala o magpasilaw sa alok ng mga indibidwal na nakilala lamang online.