SINA Sonny at Tony ay mga anak sa labas nina Larry at Emilia na katulong sa tahanan nina Larry at asawa nitong si Millie na isang Pranses. Walang anak ang mag-asawa. Noong 37-anyos na si Sonny at si Tony naman ay 32, pormal na kinilala ni Larry ang mga anak niya kay Emilia. Noon ay bulag at nakaratay na sa higaan ang lalaki kaya magkatuwang na ginawa nina Larry at Emilia ang dalawang notaryadong dokumento na tinatakan na lang ng thumbmark ni Larry para pormal na kilalanin ang dalawang anak. At isang dokumento na solong ginawa ni Larry sa pagkilala sa mga anak. Ang mga testigo sa dokumento ay sina Rita at Tony.
Makalipas ang 16 na taon nang patay na si Larry ay nagsampa ng petisyon sina Sonny at Tony para pormal silang kilalanin ng korte bilang mga anak sa labas ni Larry. Dahil hindi nila kilala ang mga kaanak ng ama ay walang naging kalaban. Pero pagkatapos lang ng dalawang buwan ay biglang sumulpot si Naty at nagsampa ng oposisyon sa petisyon nila.
Ayon kay Naty ay hindi siya pormal na inampon ng mag-asawang Larry at Milly pero pinalaki siya bilang anak mula pa noong dalawang taon ang kanyang edad. Ang totoong tatay daw nina Sonny at Tony ay si Cardo na “boy” naman sa bahay ni Larry. Ayon kay Naty ay peke ang mga dokumentong isinumite nina Sonny at Tony. Kaya pinadala ng RTC sa NBI ang mga dokumento para malaman ang totoo. Napatunayan naman ng isang fingerprint examiner sa NBI na totoong thumbmark ni Larry ang nasa dalawang dokumento. Nagsampa rin ng mosyon si Naty para sa DNA testing ni Larry kahit patay na ang lalaki pero hindi na ito pinagbigyan ng RTC. Nagpatuloy ang paglilitis sa kaso.
Si Sonny lang ang tumestigo dahil namatay na rin ang kapatid niyang si Tony pati ang nanay nila na si Emilia na dapat sana ay kapalit na testigo ni Tony. Si Sonny ang testigo para suportahan ang kaso sa pagkilala sa kanilang karapatan bilang anak samantalang si Naty naman ang testigo ng oposisyon. Para patunayan na siya ang kinikilalang anak ay nagsumite sana si Naty ng mga litrato bilang ebidensiya pero hindi ito pinagbigyan ng RTC at CA.
Matapos ang paglilitis ay naglabas ng desisyon ang RTC pabor sa pagkilala kina Sonny at sa namatay na si Tony bilang mga anak sa labas ni Larry. Kahit ang CA ay parehas ang hatol nang umapela si Naty. Binigyang halaga ng CA ang mga dokumento ng pagkakilanlan na ginawa ni Larry. Tama ba ang CA?
Tama, ayon sa Supreme Court. Ang paglagda gamit ang thumbmark ay isang legal na paraan ng pagpirma lalo kung hindi na kayang isulat ng taong sangkot ang kanyang pangalan. Ang katotohanan ng mga dokumento ng pagkilala pati ang kredibilidad ng mga testigo tulad ng expert witness ay mga tanong na tumatalakay sa bigat ng ebidensiya na inihain ng mga nagsampa ng kaso.
Binibigyan ng halaga ang mga pagkilala ng korte kahit hanggang sa pag-apela sa kaso dahil sila ang nasa posisyon para suriin ang ebidensiya at obserbahan ang kilos o galaw ng mga testigo para mapatunayan kung nagsasabi nga sila ng totoo. Ang malilit na pagkakaiba na binanggit ni Naty ay hindi mahalaga at hindi sapat para banggain ang regularidad ng mga notaryadong dokumento. Ang isang notaryadong dokumento o ang tinatawag na “public document” ay ipinapalagay na regular maliban na mapatunayan na hindi totoo sa pamamagitan ng ebidensiya.
Ang paratang ni Naty ay hindi sapat para ituring na ebidensiya. Hindi na rin importante ang pagresolba sa isyu ng DNA testing lalo at nagkaroon na ang RTC ng konklusyon na tunay na mga anak sa labas ng namatay na si Larry ang magkapatid na Tony at Sonny. Tama lang na katigan ng SC ang hatol ng CA na kinampihan ang hatol ng RTC (Agustin vs. Sales, G.R. 189289, August 31, 2016).