^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ipinipilit isubo ang Cha-cha

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Ipinipilit isubo ang Cha-cha

Maraming mambabatas at mga senador ang malamig sa isyu ng Charter change (Cha-cha). Para sa mga senador, hindi ito dapat pag-usapan sapagkat maraming mahalagang dapat tutukan kaysa rito. Hindi ito dapat ma­ging prayoridad. Sa mga nakaraan, lagi nang ibinabasura ng mga senador ang usapin sa Cha-cha.

Pero ngayon ay matindi na ang ginagawang paraan para maigiit ang Cha-cha. Ginagamitan na ng pera. Sisilawin sa pera ang mamamayan para makatipon ng lagda at nang maisakatuparan ang Cha-cha na ninanais ng House of Representatives.

Sabi ni Sen. Imee Marcos, P20 milyon ang inio-offer sa bawat distrito para makapangalap ng lagda. Ayon kay Imee, sa mga malalaking siyudad, P20,000 ang ­iniaalok kapag nakakuha ng 20,000 lagda bago sumapit ang Enero 13, 2024. Manggagaling umano ang pera sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Sabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada, P100 ang ibinibi­gay kapalit ng paglagda para suportahan ang Cha-cha. Mga mayor umano ang nagsasagawa para mangalap ng lagda. Sabi ni Jinggoy, unethical ito at maliwanag na binabalewala at nilalabag ang democratic process ng bansa.

Nag-umpisa ang pagbuhay sa Cha-cha makaraang sabihin ni House Speaker Martin Romualdez noong Disyembre 2023 na dapat talakaying muli ang 1987 Constitution. Sabi naman ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel III, open siya na pag-usapan muli ang federalism sa ilalim ng Cha-cha.

Una namang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. noon na hindi prayoridad ng kanyang pamahalaan ang Cha-cha pero noong tumulak siya sa Japan noong Disyembre para dumalo sa Asean-Japan Friendship and Cooperation Summit na pinag-aaralan umano ng kanyang gobyerno ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa kasalukuyan, hindi pa nakababangon ang bansa sa hagupit ng pandemya. Marami pang mga negosyo ang hindi nakababawi. Maraming dapat iprayoridad at una rito ay ang paglikha ng mga trabaho para sa mamamayan.

Malaking gastos ang pagpapalit sa Constitution sapagkat idaraan ito sa pagdaraos ng plebesito. Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), gagastos ang pamahalaan ng P13.8 bilyon sa plebisito. Saan kukuha ng ganitong halaga? Uutang? Hanggang leeg na ang utang ng Pilipinas.

Hindi dapat maging prayoridad ang Cha-cha. Unahin muna ang paglikha ng mga pagkakakitaan para makaahon sa kahirapan ang nakararaming mamamayan. Bituka muna bago ang Cha-cha. Huwag piliting isubo ang Cha-cha.

CHA-CHA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with