Reklamo ng mga magsasaka sa Antique

Nagagalit ako kapag may pang-aabuso sa mga magsasaka na nakakaabot sa tanggapan ng BITAG. Lalo na ‘yung manggagaling pa ng probinsiya, bibiyahe ng malayo makaabot lang ang sumbong sa amin.

Ibig sabihin, inutil at walang silbi ang lokal na awtoridad na kanilang mga nilapitan. Kaya kasama ang kung sinumang patay-patay na awtoridad sa hinahambalos ko.

Tulad nitong mga magsasaka sa Antique, ilang araw bago mag-Pasko ay dumating sa aming tanggapan. Mahigit tatlong henerasyon nang nagsasaka sa isang pribadong agricultural land ang isang dosenang magsasaka at kanilang pamilya.

May verbal na usapan sa pagitan ng nagmamay-ari at ng mga magsasaka. Seventy five percent ng kabuuang ani ay mapupunta sa mga magsasaka at 25 percent ang mapupunta sa may-ari ng lupa.

Nang yumao ang may-ari ng lupa, kinausap umano ang mga magsasaka ng Bureau of Internal Revenue sa Antique na kung ipagpapatuloy ng mga magsasaka ang pagbabayad ng amilyar, mapupunta sa kanila ang lupang sinasakahan.

Subalit, taon 2015 ay ipinatigil daw ng BIR Antique sa mga magsasaka ang pagbabayad ng buwis sa lupang sinasakahan. Nagkagulatan na lamang ng taong 2023 ay for sale at for auction na ang lupang sinasakahan ng mga magsasaka.

Ang masaklap, pilit nang pinapalayas ng bagong may-ari ang mga magsasaka. Pagkatapos daw ng kanilang ani ngayong Marso 2024 ay hindi na nila puwedeng sakahan ang lupa dahil gagawin na itong resort.

Ang nakakagalit dito, sumulat ang Antique Provincial Agrarian Reform Office (PARO) sa ilalim ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa tanggapan ni Mayor Jose Jeffrey Lomugdang at BIR-Antique na i-hold ang public auction sa lupang tinataniman ng palay ng mga magsasaka.

Anong nangyari? Bakit nabenta pa rin ang lupang sakahan? Tumindig ang DAR para sa mga magsasaka. Paano naman kayo Mayor Lomugdang ng Culasi, Antique at BIR-Antique, binalewala n’yo ang karapatan ng mga magsasaka?!

Sa kumpirmasyon mismo ng PARO, sa ilalim ng batas ay bawal paalisin at pagbawalan ang mga magsasaka na magtanim sa lupang kanilang sinasakahan.

Hindi rin pwedeng basta-basta ire-classify ang agricultural land para lamang matayuan ng ibang negosyo. Kuwidaw kayo, ombudmandable ‘yan!

Mayor Lomugdang ng Culasi, Antique, nakaabot na sa amin na binigyan ng iyong tanggapan ng tig-P5k na ayuda ang mga magsasaka pagkatapos nilang lumapit sa BITAG.

Salamat sa iyong pakonsuwelo pero patuloy kaming nakabantay at nagmamatyag sa BITAG ng “totoong” aksiyon ng iyong munisipyo.

Show comments