ISA sa mga tinututukan ng pamahalaang lungsod ay ang mga hamon na kinakaharap ng ating mga batang mag-aaral.
Ito ang dahilan kung bakit inaprubahan natin ang City Ordinance SP-3182, na nagtatatag ng Learning Recovery Trust Fund, kung saan nangangalap tayo ng donasyon para magamit sa learning recovery programs ng mga pampublikong paaralan sa ating lungsod.
Lubos ang ating kasiyahan at pasasalamat sa tuluy-tuloy na pagdagsa ng tulong para sa ating trust fund.
Sa ngayon, nakalikom na tayo ng kabuuang P13,648,122 mula sa mga donasyon ng iba’t ibang mga grupo at mga indibidwal na kaisa natin sa layuning pagbutihin ang kalidad ng edukasyon sa ating mga paaralan.
Kabilang sa mga donasyon na ating natanggap pagpasok ng bagong taon ay P500,000 mula sa bahagi ng kinita ng POP QC Mercadillo, na inorganisa ng QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (QCSBCDPO) at Mercadillo by ACE. Iba pa rito ang mahigit P100,000 na nalikom sa pagsasagawa ng Kilo/s Kyusi Store noong Disyembre.
Nag-donate din ang 22nd City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Gian Sotto at Majority Floor Leader Dorothy Delarmente ng P100,000. Ito ay ang kanilang napanalunan bilang Most Outstanding Sangguniang Panglungsod sa buong bansa.
Kabilang sa mga pinaggamitan ng pondo ang pagpapatuloy ng Zero Illiteracy sa QC Tutoring program para 1,172 mag-aaral sa Grade 3 na tinaguriang non-readers at strugggling readers. Bukod pa riyan, natulungan din ang may 100 estudyante sa ilalim ng numeracy program.
Positibo ang mga paunang mga datos na ating natanggap. Pagkatapos ng 50 tutoring sessions, zero non-readers na ang naitala sa post-tutoring assessments, at umakyat sa instructional at independent reading levels ang mga mag-aaral.
Sa numeracy tutoring program naman, 9 sa 10 mag-aaral na nakilahok sa programa ay natuto nang magbilang at gawin ang basic math operations matapos ang programa.
Makikita sa mga resulta na malaking tulong ang tutoring program ng lungsod sa pagpapataas ng antas ng kaalaman ng ating mga estudyante sa pagbasa at sa Math.
Kaya lubos ang aking pasasalamat sa ating mga donor, kasabay ng panawagan sa iba pang may mabubuting kalooban na suportahan ang mga inisyatiba ng ating pamahalaang lungsod. Ito’y para sa magandang kinabukasan ng mga batang QCitizens.