PNP, arbiter laban sa mga vlogger?

KATUWANG ng BITAG ang Philippine National Police (PNP). Naniniwala rin ako sa kakayahan ng PNP na taga­panatili ng katahimikan, kaayusan ng komunidad at kalig­tasan ng mga mamamayan laban sa masasamang tao o kriminal.

Pero bakit tila nagbabantay at pinakikialaman ngayon ng PNP ang laman ng Facebook Pages ng mga online content providers?

Wala namang problema kung may reklamo sa kani­lang mga binabantayang contents, online. Pero paano kung PNP mismo ang nagrereklamo o ang complainant?

Kaya nga eto, nagpahayag ng pagkabahala ang Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) sa pagpa­patanggal ng mga video contents online ng PNP.

Pananaw ng CMFR na sa tingin ko’y pareho sa bagay na naglalaro sa aking isipan – tila nagmo-motu propio ang PNP sa mga ipinapatanggal nilang videos sa social media, partikular ang may kinalaman umano sa destabilization laban sa administrasyon.

Lumalabas na nagiging banta ang pagkilos na ito ng mga pulis sa malayang pamamahayag na nasasaad sa ating konstitusyon.

Pagmamalabis nga bang matatawag sa kapangyarihan ng PNP ang kanilang pinaggagagawa? Na imbes masasa­mang loob at lansangan ang bantayan, ang laman ng digital at social media ang pinagdidiskitahan?

Pangingialam na nga ba ang ginagawa ng PNP sa pang­hihimasok sa mga public forum? Kung may mga online content creators at vloggers na hindi tama ang pinagsasabi-imbestigahan, sampahan ng kasong criminal kahit sino ka man.

Ang nakababahala ay kung ang pulis ang nag-uutos at nagsasabing “take it down.” Teka muna mga tsip, hindi n’yo na yata trabaho yan.

Sa aking palagay, mas makabubuting magbantay ang PNP partikular ang kanilang Anti-Cyber Crime Group (ACG) sa mataas na statistika ng mga krimeng panloloko at pangmomodus online.

O baka yung ilan diyan sa PNP baka sumosobra na ang paghigop, ‘wag masyadong chuwariwariwap ha napag­ha­halata na. Sigurado ako hindi ‘yan yung mga kaibigan ko.

Show comments