LITAW sa dagat maski hightide ang Panatag (Scarborough) Shoal, na 123 milya mula Zambales. Nasa loob ito ng 200-milya exclusive economic zone ng Pilipinas.
Batay sa UN Convention on the Law of the Sea, teritoryo ito ng Pilipinas. Mayroong 12-milyang teritoryong dagat. Mula 1734 nasa mga mapa na ng Pilipinas ang Panatag, at wala sa anumang mapa ng China. Pero ilegal na inagaw ito ng China nu’ng 2012.
Naghabla ang Pilipinas sa International Court of Arbitration. Hindi dinidinig ng ICA ang usaping teritoryo; tungkol sa UNCLOS lang. International Court of Justice ang maaring humusga sa kasong teritoryo.
Pinasya ng ICA na ang Panatag ay tradisyunal na pangisdaan ng mga Pilipino, Vietnamese at Chinese. Ibig sabihin, maski teritoryo ito ng Pilipinas, maaring mangisda dito ang dalawang lahi. Bago ito agawin ng China, nagpapalitan dito ang tatlong lahi ng mga huling pagkaing dagat, sigarilyo at de-latang karne.
Dahil tradisyunal na pangisdaan ang Panatag, hindi dapat harangin ng China Coast Guard ang bunganga papasok ng lagoon. Hayaan dapat makapangisda ang Pilipino at Vietnamese.
May solusyon sa pambubusabos ng China, ani dating Supreme Court Justice Antonio Carpio. Magkasamang idulog daw ng Vietnam at Pilipinas sa ICA ang usaping pangisdaan. Hingin daw sa ICA na itakda ku’ng kailan maaring mangisda, anong pagkaing dagat ang maaring hulihin, at tig-ilang tonelada kada lahi. Pati pagpapatupad ng mga limitasyon at quota ay maaring ipapasya.
Paano kung hindi sumunod ang China? Ilantad sa mundo ang asal niya, ani Carpio. Iulat sa UN General Assembly. Ipakita na hindi sumusunod ang China sa batas pandaigdig.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).