Basura na ang negosyo, basura pa ang trato sa mga tauhan!

EWAN ko kung saan kumukuha ng tibay ng sikmura at lamanloob ang ilan sa mga abusadong negosyante sa bansa. 

May ilan kasing negosyante o kontratista ng basura kung saan kinokontrata ang lokal na pamahalaan para hakutin ang basura sa kanilang teritoryo—probinsiya o siyudad na nasasakupan—nilalamangan ang mga mang­gagawa.

Ang siste, basura na nga ang negosyo, basura na rin kung mag-isip. Kaya ang resulta, basura na rin ang kani­lang mga asal kaya basura rin kung tratuhin ang kanilang mga tauhan.

Isa na rito ang International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (I-SWIMS). Animnapung basurero mula Payatas, Quezon City ang dumating sa aking tanggapan noong Biyernes para ireklamo ang kompanya.

Volunteer lamang daw ang kanilang status sa I-SWIMS. Kaya tulad ng inaasahan, walang benepisyo, walang pay­slip, walang holiday pay, walang medical assistance, walang ID at ni mga protective gears sa paghahakot—wala!

Ang sahod ng bawat garbage collectors ay P125 kada biyahe. Sa isang araw halos dalawang biyahe lamang ang kanilang nakukumpleto. Pinipilit pa umano silang ma­ka­­tatlong biyahe subalit hindi na sila babayaran ng I-SWIMS. Kapag hindi sumunod sa utos na pangatlong biyahe, ban na sa kumpanya—wala ka nang trabahong babalikan.

Alas kuwatro ng umaga, umpisa na ang mga pobreng basurero para magtrabaho. Kadalasan, 10:00 na ng gabi kung sila’y matapos. Napakatinding pang-aabuso’t pananamantala naman ito! Alam kaya ito ni Mayor Joy Belmonte ng Quezon City?

Ang tindi ng lamanloob n’yo I-SWIMS! Ang kakapal ng mukha niyong sabihing volunteer lamang ang mga basurerong babad sa panganib. Exposed sa mga elementong maaari nilang madala at maiuwi sa kanilang mga pamilya. May konsensiya pa ba kayo riyan I-SWIMS?

Oh, nasaan na ang mga politikong unang nakikinabang kapag may mga kontratang serbisyo o produkto sa kanilang mga nasasakupan?

Sa kabila ng pagiging mabuting manggagawa ng mga basurerong ito, sila ang unang nahihirapan, inaabuso’t pinagsasamantalahan, malinis lamang ang ating mga komunidad.

Kaya sa iyo Sen. Jinggoy Estrada, Committee Chairman on Labor, Employment and Human Resources Development, kakatok ang BITAG sa iyong tanggapan.

Maaaring marami pang garbage collectors sa ibang probinsiya’t siyudad ang nakakaranas ng ganitong pang-aabuso. Ilalaban ng BITAG ang kanilang karapatan at kapakanan.

Show comments