Masayang Lunes, Proud Makatizens! Sana ay maganda ang pasok ng 2024 sa inyong mga tahanan.
Para sa mga dumalo sa New Year’s Countdown natin sa Ayala noong December 31, nakita niyo naman siguro na puro local artists ang ating ibinida sa pagtatanghal. Ito po ay dahil mahal talaga natin ang sarili nating mga artist at gusto natin na mas mabigyan sila ng exposure para mas ma-appreciate ng kasalukuyang henerasyon.
Wala namang masamang tumangkilik ng foreign acts at bands, pero huwag naman sana nating talikuran ang mga kababayan natin dahil talagang magagaling at talented din sila. Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit ipinaglaban ko sa Sangguniang Panlungsod na itigil ang koleksyon ng amusement taxes sa Makati.
Ipinasa ng konseho noong Disyembre 27, 2023 ang City Ordinance No. 2023-269 na nagsususpinde sa koleksyon ng amusement fees sa anumang theatrical, musical, o iba pang pagtatanghal, pati na ang paggamit ng public entertainment areas.
Sa ganitong paraan, mas mahihikayat ang mga investor na pondohan ang mga creative projects at makakapagpalago ng ekonomiya sa sektor ng turismo. Suporta rin ito sa tinatawag nating “creative force” sa loob ng Makati na kinabibilangan ng theater artists, dancers, singers, film makers, directors, at iba pang bahagi ng creative industry.
Tayo pa lang ang may ganitong inisyatiba, pero ito ay sumusuporta sa mas malawak na panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na “Lungsod Lunsad: A Call for Creative Proposal towards Building Creative Cities” sa ilalim ng Philippine Creative Industries Development Act o Republic Act No. 11904.
Mas maganda kasi na habang patuloy na lumalago ang ating turismo at ekonomiya ay mas lalo rin nating pinagyayaman ang ating cultural heritage at ang pagkahilig ng mga kabataan sa culture and arts.
Kaya naman mas marami tayong events, shows, at productions na makikita sa Makati ngayong 2024. Abangan nyo na lang ang mga exciting na sorpresa!
***
Nagbaba na ang Department of Budget and Management (DBM) ng Budget Memorandum No. 87-A na may petsang December 28, 2023 na ipinagbibigay-alam na ang matatanggap na National Tax Allotment o NTA allocation ng Makati para sa taong 2024 ay batay lamang sa 23 natitirang barangay.
Nangangahulugan ito na kailangan nang akuin nang buong-buo ng Taguig ang responsibilidad para sa mga benepisyo at kapakanan ng mahigit 300,000 residente na ngayon ay nasa hurisdiksyon na nila.
Tungkulin na po ng Taguig na ayusin ang pamamahala sa mga komunidad at tiyaking maibibigay ang pinakamataas na kalidad ng serbisyo at pangangalaga sa mga residente ng sampung barangay, dahil ito ang nararapat para sa kanila.
Ayon sa DBM, makakatanggap ang Makati ng P P1,006,144,469.00 para sa fiscal year 2024. Bago matanggal ang EMBO barangays, ang Makati ay may NTA allocation na P1,775,342,277.00.
Hindi po namin iniisip ang nawalang NTA. Hindi naman po sa pagmamayabang, pero maliit lamang ang tinatanggap nating NTA kumpara sa sariling kinikita ng lungsod mula sa ating local revenue sources. Sa loob ng mahabang panahon ang koleksyon natin sa business at real property taxes ang nagpopondo sa napakarami nating serbisyo at programa.
Ayon sa ating Finance Department, nasa P24.8 Billion ang total revenue collection ng Makati nitong December 2023. Ang pinakamalaking collection ay mula sa Business Tax na may P12,488,452,736.24, na sinundan ng Realty Tax na may P8,688,442,661.55.
Dalangin at hiling po namin ang maginhawa at maayos na buhay para sa mga residente ng EMBO barangays. Gabayan nawa kayo ng ating Panginoon at parating tandaan na may puwang po kayo sa puso ng inyong Mayora Abby.