Yari na! ‘Pag lumagapak sa blacklisted!
Malaking kahihiyan at hindi karangalan kapag napasama ang Pilipinas sa listahan ng mga blacklisted countries ng Financial Action Task Force (FATF).
Sa kasalukuyan, nasa “grey” status pa rin tayo. Kapag hindi naagapan at hindi naging agresibo ang mga alagad ng batas at iba’t ibang ahensiya natin laban sa anti-money laundering at financial terrorism, lalagpak ang Pinas sa blacklisted.
Noong 2019 pa nang ilagay tayo ng FATF sa observation status sa loob ng isang taon. Nagmasid ang ahensiya kung maisasakatuparan ang technical compliance ng Pinas ayon sa international anti-money laundering at counter terrorism financing standards.
Subalit pagdating ng 2021, napasama na ang pinas sa “grey list” kung saan sasailalim ang Pilipinas sa increased monitoring. Ibig sabihin, bumagsak tayo sa obserbasyon noong 2019.
Sa mga mata ng FATF, hindi seryoso at mahina ang mga aksiyon at batas ng bansang Pilipinas laban sa anti-money laundering at financial terrorism.
Siya nga pala, ang mga bansang hindi demokrasya tulad ng Iran, Myanmar at North Korea ang nasa listahan ng blacklisted sa FATF. Mukhang nakareserba na ang pang-apat na puwesto sa atin- isang democratic country.
‘Pag minalas, ang pinakauna at pinakamalaking apektado ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magpapadala ng pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Kapag blacklisted na tayo, tataas ang mga remittance fees at hihigpitan ang requirements ng OFWs bago makapagpadala ng pera sa kanilang pami-pamilya.
Ikalawa, hihina ang credit standing natin para makapangutang sa malalaking financial institutions tulad ng World Bank, Asian Development Bank at iba pang malalaking bankong nauutangan ng Pilipinas.
Ikatlo, mawawala ang kumpiyansa at bababa ang tiwala ng mga international investors.
Paano pa lulutang ang ekonomiya ng Pilipinas?
Alam na ng mga alagad ng batas ang dapat bantayan. Mga lehitimong negosyo na ang nagpapatakbo ay laundered o drug money at mga law firms na ginagamit ng sindikato para pag-aralan ang kahinaan ng ating batas at enforcement nito.
Ang gusto makita ng FATF, may makasuhan, makulong at maparusahan! Bakit nga ba puro huli, walang napaparusahan?
- Latest