Panibagong lakas sa pagsisilbi ngayong 2024

KAHAPON, Enero 2, pinangunahan ko ang kauna-unahang flag ceremony ng ating pamahalaang lungsod para sa taon 2024. Noong una, inisip ko na baka kaunti lang ang dumalo dahil katatapos lang ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Laking gulat ko nang makita na full force ang buong Quezon City Hall, senyales na handang-handa na sila sa panibagong taon ng pagseserbisyo sa QCitizens matapos ang banner year na 2023.

Umaasa ako na madadala natin ang momentum at inspi­rasyon ng 2023 para umani ng mga panibagong pagkilala para sa ating lungsod, na magdiriwang ng ika-85 anibersaryo ngayong taon.

Maganda ang bungad ng 2024 para sa Quezon City dahil ipinarating sa atin ni City Treasurer Ed Villanueva na nalampasan ng ating siyudad ang target na koleksyon ng buwis sa nakaraang taon. Sa tulong nito, nasa mabuting posisyon tayo para matustusan ang P39 bilyong budget ng ating lungsod para sa 2024, na karamihan ay nakalaan sa mga proyekto at programa para sa QCitizens.

Marami nang mga nakalinyang proyekyo at programa ang pamahalaang lungsod, kabilang ang meetings, incentives, conferences & exhibitions (MICE) event center sa ating City Hall compound na inaasahan nating magiging­ operational ngayong taon. Malapit na ring magbukas ang chapel at columbarium na proyekto ng ating Civil Registry Department.

Tuluy-tuloy din ang lalo pang pagpapaganda ng ating Quezon Memorial Circle, kung saan daragdagan pa ang green spaces at mga lugar na pwedeng gamitin ng QCitizens para mamasyal, mag-picnic at magpalipas ng oras. Mag­lalagay din tayo ng promenade na nagdurugtong sa Quezon Memorial Circle sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.

Mas mapapadali na rin ang plano nating rehabilitasyon ng Amoranto Sports Complex sa tulong nang maraming national government personalities. Sa tulong nila, makakapag-host na ang ating lungsod ng international sports competition sa mga susunod na taon.

Nakalinya na rin ang Health Information System Program, na siyang kauna-unahan sa buong Pilipinas. Sa pa­ma­magitan nito, automated na ang  ating health records na pwedeng ma-access kahit saang health center at ospital ng lungsod. Ang resulta, mas mabilis na ang access sa health services gaya ng gamot, at pagbibigay ng medical assistance sa QCitizens. Halimbawa, kung kailangan nila ng X-Ray o laboratoryo. Bukod rito, mas magiging madali ang pag-schedule sa doktor sa ating mga center.

Magpapatayo rin tayo ng maraming cultural attractions, gaya ng mga museo, para makahikayat ng mas marami pang lokal at dayuhang bisita sa ating lungsod.

Tiwala ako na lahat nang ito’y matutupad sa tulong ng ating mga katuwang sa paglilingkod na kaisa ko sa layuning mapaganda at mapaunlad ang buhay ng QCitizens.

Show comments