Puspusan ang kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para makalikom ng buwis. Lahat nang mga negosyo na karapat-dapat buwisan ay pinagtutuunan nila ng pansin ngayon. Isa sa nakita ng BIR ay ang lumalagong negosyo ng online selling na mula nang manalasa ang pandemya noong 2020 ay lalo pang lumakas. Sa kanilang monitoring, malaki ang kinikita ng online sellers kaya ito ang nag-udyok para patawan ng 1 percent withholding tax ang mga nag-o-online selling.
Una nang pinanukala ang pagta-tax sa online sellers noong nakaraang Oktubre at ngayong Disyembre nagkaroon ng final draft ang regulasyon. Pero bago isinagawa, nagkaroon muna ng konsultasyon ang BIR sa online platforms at sa online payment channels.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang online platforms at payment channels ang magbabayad ng tax sa BIR. Ipinaliwanag ni Lumagui sa press conference, “Si buyer, nagbabayad kay platform. Si platform ang magbabayad kay seller. So bago i-remit ni online platform kay seller kung magkano yung dapat niyang makuha, less yung commission niya, magwi-withhold siya ng 1 percent of one-half of the revenue. Dahil napatawan kayo ng withholding tax na 1 percent on half of the gross revenues, ibabawas ngayon yun sa payable ninyo.” Niliwanag naman ni Lumagui na hindi iaaplay ang 1 percent withholding tax sa online merchant na ang gross income ay hindi lumampas ng P250,000.
Noong nakaraang buwan, nagbabala ang BIR sa social media influencers, vloggers at content creators na magbayad ng buwis para hindi sila makasuhan ng tax evasion. Hinihikayat ng BIR ang influencers na magparehistro sa BIR. Sinabi pa ng BIR na hindi lamang vloggers at influencers ang kanilang sinusubaybayan kundi pati ang mga online gamer na kumikita sa paglalaro. Kumikita umano nang malaki ang influencers kaya nararapat na magbayad sila ng buwis sa pamahalaan. Kapag hindi nakapagbayad, kakasuhan sila ng tax evasion na ang kaparusahan ay 10 taong pagkakabilanggo at multang P500,000 hanggang P10 milyon.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 97-2021, ang influencers ay nararapat magbayad ng income at business taxes — maaaring ito ay percentage tax o value-added tax (VAT). Ayon sa BIR, ang influencers ay kinukonsiderang self-employed individuals.
Desidido ang BIR na makalikom ng buwis para sa paglago ng ekonomiya. Ang makukolektang buwis ay malaki ang maitutulong sa pagpapaunlad ng bansa, pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan at pambayad sa utang.
Karapat-dapat ang kampanya. Siguruhin lang nasa tamang kamay mapupunta ang buwis at hindi sa mga “buwaya”. Tiyakin din na pati malalaking “isda” ay pagbabayarin din ng tamang buwis.