Same-sex couples bebendisyunan na

KONTROBERSYAL ang atas ni Pope Francis na nagpapahintulot sa mga paring Katoliko na bendisyunan ang mga same-sex couple. Katwiran ng Vatican, hindi ito pagkilalang tama sa pagsasama ng mga couples na pareho ang kasarian at hindi rin dapat ipagkamaling sakramentong katulad ng kasal.

Ipinagbabawal kasi ng Salita ng Diyos ang pagsisiping ng mga taong pareho ang kasarian at kinukondenang karumal-dumal ng Salita ng Diyos.

Mahal ng Diyos ang mga miyembro ng third sex gaya rin ng pag-ibig niya sa lahat sa atin sa kabila ng ating kasalanan. Ang ayaw ng Diyos ay ang ating mga kasalanan at hindi tayong mga nagkasala.

Para sa akin, puwede namang basbasan ang mga bakla at tomboy na gustong magbalik-loob sa Diyos. Ngunit kung couples ang pag-uusapan, papaano bebendisyunan sila nang hindi tinatalikuran ang kanilang pagsasama bilang sex partners? 

Kung ganyan ang pananaw ng Papa, dapat payagang bendisyunan din ng pari ang mga magkabit, hindi po ba? Kasi  kapag sila ay tumanggap ng bendisyon ng simba­hang Katoliko, ibig sabihin, ubra ba silang magkomunyon na dati ay hindi pinahihintulutan ng Simbahan.

Sa ibang aspeto ng buhay tulad ng trabaho at social benefits, dapat bigyan ng equal rights ang mga bakla at tomboy at hindi dapat idiskrimina. Tao rin sila na dapat bigyan ng civil rights. Sa tingin ko naman, wala nang nangyayaring diskriminasyon sa kanila at sa katunayan, marami nang mga bading at tibo ang umangat sa kanilang propesyon.

Show comments