Ang ipinahayag ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes sa pagdiriwang ng ika-88 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakapagpapalakas ng loob at nagbibigay inspirasyon para mahalin ang bansa. Ito ang nararapat marinig ng mamamayang Pilipino kaugnay sa sigalot na nangyayari sa West Philippine Sea. Ngayong patuloy na nanggigipit ang China at inookupahan ang teritoryo ng Pilipinas, ang salita ng Presidente ay mabisang pampalakas ng loob para patuloy na makipaglaban.
Sabi ni Marcos, kailanman ay hindi susuko o titiklop ang Pilipinas sa isyu ng WPS na sa kasalukuyan ay mainit ang tension. Sabi ng Presidente, sa kabila nang maraming probokasyon, ang bansa sa pamamagitan ng AFP, ay nananatiling isang puwersa at boses ng katwiran, na nagpapakita ng responsable at marangal na pag-uugali sa paglutas ng mga isyu alinsunod sa tinatadhana ng batas. Magpapatuloy aniya ang paggigiit ng karapatan na nakasaad sa Konsititisyon ng Pilipinas at pandaigdigang batas.
Binanggit din ng Presidente ang insidente na kinanyon ng tubig ng China Coast Guard ang barkong sinasakyan ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. Ayon kay Marcos, nakababahala ang pangyayari. Sa ginawang pagbomba ng tubig, nasira ang barko.
Una na ring sinabi ni Marcos na ikinababahala niya ang hindi magandang pahayag at pag-uugali na ipinakikita ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian. Ito ay may kaugnayan sa mga walang paggalang na pahayag at pambu-bully ni Huang kay General Brawner Jr. Nagkasagutan sina Huang at Brawner sa isyu ng teritoryo. Ayon kay Huang ang Pilipinas ang nagsisimula ng gulo. Ginagawa lamang umano ng China ang tama. Pilipinas daw ang pumapasok sa teritoryo ng China.
Marami nang beses binomba o kinanyon ng tubig ang mga barko ng Pilipinas partikular ang Philippine Coast Guard na nag-eeskort sa mga barkong naghahatid ng suplay sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Nakikipagpatintero ang PCG at supply boat sa CCG at Chinese militia vessels sa tuwing magdadala ng supply. Ilang beses ding binangga ang barko ng Pilipinas para mapigilan na magtungo sa Ayungin.
Hindi lamang ang PCG at supply boats ang binu-bully ng China kundi pati na rin ang mga mangingisdang Pinoys na pumapasok sa Bajo de Masinloc. Ayaw papasukin ang mga mangingisda gayung ang lugar ay sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ngayong nagpahayag si Marcos na hindi susuko at ipaglalaban ang WPS sa China, dapat magkaisa ang lahat para magtagumpay. Hindi dapat masindak sa China.