EDITORYAL - Pangamba sa Chinese envoy, bigyang pansin
Deretsahang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na personal siyang nababahala o nangangamba sa hindi magandang pag-uugali na ipinakikita ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian. Ito ay may kaugnayan sa mga walang paggalang na pahayag at pambu-bully ni Huang kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kamakailan. Dahil sa mga “pambabastos” ni Huang, marami—kabilang ang mga senador ang humiling kay Marcos na patalsikin na ang Chinese envoy. Pauwiin na umano ito sa kanilang bansa. Nag-ugat ang pagkamuhi kay Huang makaraang kanyunin muli ng tubig ng China Coast Guard ang barko ng Pilipinas na magdadala ng supply sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Pero sa kabila ng naka-a-upset na ugali ni Huang, sinabi ni Marcos na hindi niya ito ire-recall. Ginagawa lamang umano ni Huang ang trabaho nito na may kaugnayan sa isyu ng West Phillippine Sea. Hindi umano makabubuti kung aalisin ang Chinese envoy.
Isang araw makaraang sabihin ni Marcos na nangangamba siya ipinakikitang ugali ng Chinese envoy, agad naglabas ng mensahe ang Chinese foreign ministry na nagsasabing ginagawa lamang umano ni Huang ang trabaho nito para maging mabuti ang China-Philippines relations. At dinugtong pa na naniniwala raw sila na magkakaroon ng mabuting relasyon ang Pilipinas at China sa susunod na taon. Gayunman, nagbabala pa rin ang foreign ministry na ang ipinakikitang pakikitungo ng Pilipinas sa ibang malalakas na bansa ay hindi makabubuti sa isyu. Muli nilang iginiit na ang Pilipinas ang nagsimula ng gulo sa kabila na may mga video na kinakanyon ng CCG ang barko ng Pilipinas dahilan para masira ito.
Ang unang pambobomba ng tubig ng CCG sa PCG ay noong Agosto 5 kung saan maghahatid ng suplay sa BRP Siera Madre. Patuloy na nakikipagpatintero ang mga barko ng Pilipinas sa CCG at Chinese militia vessels. Noong Agosto 22, hinarang muli ng CCG ang PCG habang inieskortan ang resupply mission. Noong Setyembre 5, nagkaroon ng habulan at ginitgit ng CCG at Chinese maritime militia vessels ang mga barko ng PCG at ang supply ship. Noong Oktubre 4, muling hinabol ng CCG ang PCG at vessels na magdadala ng supply. Noong Nobyembre 10, kinanyon ng tubig ng CCG ang mga magdadala ng supply. Noong Disyembre 10, muling kinanyon ng tubig ang bangkang magdadala ng supply na ikinasira ng makina nito. Sa lahat ng mga nangyari, ang sabi ng China, Pilipinas ang may kasalanan at nagsisimula ng gulo.
Upset na ang Presidente sa ginagawa ng Chinese envoy. Hanggang kailan niya titiisin ang pangamba at pagkabahalang nararamdaman sa tuwing magsasalita si Huang Xillian? Dapat pauwiin sa kanyang bansa ang taong walang galang.
- Latest