Panahon na para ipataw sa pinakamabigat na parusa sa bawat drayber na nasasangkot sa aksidente kapag ang mga ito ay nakainom.
Ngayong kabi-kabila ang Christmas party, reunion at iba pang pagtitipon, lalong dumarami ang mga aksidenteng nagaganap sa kalsada. Marami kasing nagmamaneho kahit nakainom na. Ang masaklap, maraming nadadamay na walang kamalay-malay.
Katulad na lamang sa nangyaring aksidente sa Elliptical Road, Quezon City kamakalawa kung saan sinagasa ng isang SUV ang mga sasakyan na ikinasugat ng ilang motorista. Nahuli ang drayber ng SUV at nang interbyuhin ng mga mamamahayag, lasing na lasing ito.
Dapat patawan nang mabigat na parusa ang mga mahuhuling nagmamaneho nang lasing. Bukod sa mataas na multa, kanselahin ang lisensiya ng mga drayber na masasangkot sa aksidente. May batas na tayong pinaiiral subalit mukhang hindi maintindihan ng mga drayber.
Ewan ko kung bakit nagagawa pa ng ilang drayber na lunurin ang kanilang sarili sa alak kaysa unahin ang pagbili ng pagkain para sa kanilang pamilya. Marami ang kumakalam ang sikmura kaya sana unahin ang pagkain kaysa alak na nagdudulot na ugat ng aksidente.