Bilang isang espesyalista sa puso, sari-saring sakit sa dibdib ang kinukunsulta sa akin. Sa aking palagay, 80% ng mga sakit sa dibdib ay walang kinalaman sa puso. Paano ko nalalaman na hindi sa puso ang problema? Nahuhulaan ito ng doktor sa pagkukuwento ng pasyente ng kanyang nararamdaman.
Kung ang sakit sa dibdib ay parang tumutusok, hindi iyan sa puso. Kung ang sakit ay nasa kanang bahagi ng dibdib, hindi rin iyan sa puso. Kadalasan ay nagmumula sa masel ng dibdib ang pagkirot. Baka natulog ka sa matigas na higaan. Baka nadaganan ni Mister. Baka nagbuhat nang mabigat at na i-sprain ang laman. Ang solusyon dito ay pahinga lamang.
May dalawa pang tanong para masuri kung galing sa puso ang pananakit. Una, kaya mo bang ituro ng isang daliri ang pa-nanakit sa dibdib? Kapag naituro ng pasyente ito, hindi iyan sa puso. Ang sakit sa puso ay hindi maituro ng 1 daliri.
Pangalawa, gaano ba katagal sumasakit ang iyong dibdib? Kapag wala pang isang minuto ang tagal ng sakit o dili kaya lampas isang oras ang kirot, siguradong hindi iyan sa puso. Ang tunay na sakit sa puso ay mula limang minuto hanggang 15 minutos lamang.
Ano ba talaga ang sakit na galing sa puso? Ang sakit sa dibdib ay sinasabing mabigat at parang may nakadagan sa dibdib. Ang sakit ay tumatagal lang ng 5 hanggang 15 minutos. Dumarating ang sakit kapag napapagod, naglakad nang malayo o umakyat ng hagdan.
Madalas magkaroon ng sakit sa puso ang mga kalalakihan, mula 50 edad pataas. Kung may katabaan, may diabetes, o may lahi ng sakit sa puso, malaki ang tsansa na baka puso ang diperensiya. Sa ganitong sitwasyon, magpatingin sa doktor.
Pero kung bata ka pa naman, wala pang edad 30, lalo na kung babae ka, halos sigurado ako na hindi sa puso ang problema. Huwag mangamba. Magpa-check sa isang espesyalista sa puso kung kinakailangan.
* * *
Pagkain para sa puso
Ayon sa American Heart Association, para mapangalagaan natin ang puso, kumain ng mga mapupulang pagkain. Ano ang mga ito?
1. Pulang ubas – Ang red grapes ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol na nasa balat ng pulang ubas. Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pag-buo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at sa bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba.
2. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at Alzheimer’s disease. Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa din ng lebel ng bad cholesterol ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.
3. Red wine – Ang red wine ay gawa sa ubas at may taglay na resveratrol. Ang resveratrol ay napatunayan sa laboratoryo na nagpapahaba ng buhay ng mga daga at nakaiiwas din sa kanser. Pinapataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Ang mga lalaki ay puwedeng uminom ng 2 maliit na baso at ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng 1 maliit na baso bawat araw. Dahil mas payat sila, mas madali malasing ang mga babae kumpara sa mga lalaki.
4. Strawberries – Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser. Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant. Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at kanser sa bituka. Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika. Ayon sa mga eksperto, kailangan nating kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.
6. Pulang pakwan – Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at blood vessels. Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan. Ang arginine ay na-co-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack. Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa ating pag-edad.