Sa paglabas ng aking column, limang araw na lang at muli na naman nating ipagdiriwang ang kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Hesus.
Napakabilis talaga ng panahon. Hindi natin namamalayan na parang hinahatak na lang ang mga sandali, dahil na rin sa dami ng pinagkakaabalahan natin sa araw-araw.
Madalas ko ring naririnig na ”parang kase-celebrate lang natin ng Pasko, ngayon malapit na namang mag-Pasko.”
Sa aking Christmas message, binigyang diin ko na sa nakalipas na mga buwan, naharap tayong lahat sa napakaraming hamon.
Ngunit marami rin tayong nakamit na panalo, gaya ng pagkakaisa, pagmamahalan at paghahatid ng pag-asa sa ating mga kapwa QCitizen. Naipakita natin ang tunay na halaga ng pagiging matibay na komunidad.
Hiling ko sa lahat na itanim sa ating puso ang layunin na maging aktibong pwersa ng pagbabago at maging dahilan para mapabuti ang buhay ng iba.
Higit pa sa masarap na handa at mga regalo, balikan natin ang mga bagay na hindi natin masyadong napapansin pero dapat ipagpasalamat, mula sa pagbibigay ng panahon sa pamilya hanggang mabuting pakikisama sa mga katrabaho, kaibigan at mga kapitbahay.
Ngayong Kapaskuhan, handog na regalo ng inyong lokal na pamahalaan ay pagpapatuloy ng mabuting kalidad ng serbisyo at mabuting pamamahala sa ating lungsod para maitaguyod ang tuluy-tuloy na pag-unlad at pagganda ng buhay ng bawat pamilya at komunidad sa ating minamahal na lungsod.
Nais ko ring magpasalamat sa lahat ng minamahal naming QCitizens, sa inyong pagsuporta at pagbibigay inspirasyon sa mga programa, polisiya at proyekto ng lokal na pamahalaan.
Ang inyong tiwala at pagmamahal ang nagpapalakas sa amin at nagbibigay ng inspirasyon para pag-ibayuhin pa ang paglilingkod.
Sa ngalan ng mga kapwa ko lingkod-bayan sa Lungsod Quezon, kabilang sina Vice Mayor Gian Sotto, ang Quezon City Council at mga opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan, hiling namin para sa lahat ng QCitizens ang isang masagana, ligtas at maligayang selebrasyon ngayong Kapaskuhan.