Pabor ako sa pagbabago sa Saligambatas kung sadyang kailangan upang umakma sa pangangailangan ng nagbabagong panahon. Ngunit kung ito ay para tugunan lang ang kapritso ng mga pulitiko, aba e, tututulan ko ‘yan.
Ngunit kung ang mga amyenda ay sa layuning makaagapay sa bagong teknolohiya ang pamahalaan at iba pang pagbabagong kaakibat nito, talagang mahalagang baguhin ang Konstitusyon.
Pero kung ang pagbabago sa karta ay upang palawigin ang termino ng Presidente at iba pang halal na opisyal ng pamahalaan, halatang may makasariling motibo iyan. O kaya, maglalagay ng mga probisyong pabor sa sinumang nanunungkulang opisyal ng pamahalaan, mukhang self-serving din iyan.
Sa aking palagay, kung kakailanganin man ang mga nasabi kong pagbabago, kinakailangan na hindi masasaklaw nito ang mga incumbent officials para hindi hinalain na ang Charter change ay tailor-made para lamang sa kapakanan nila at hindi para sa bayan. Kahit sa mga nagdaang administrasyon ay laging ipinalulutang ang Cha-cha pero hindi naluluto dahil taumbayan mismo ang tutol bunga ng kanilang suspetsang may makasariling motibo ito.
Sa ngayon, tila si Marcos lang at ang Kamara de Representante ang interesadong magsulong ng Cha-cha. Ang Senado ay mukhang tutol dito at ang mismong utol ng Presidente na si Sen. Imee Marcos ay sinasagkaan ito. Nagsosolo ang Kamara sa pagpaplano ng Charter change at ang naririnig ko sa Senado ay pulos tutol sa ideyang ito.
Kung magkakaroon ng people’s initiative at taumbayan mismo ang magsusulong ng pagbabago sa Konstitusyon, iyan pa lang marahil ang uri ng Charter change na katanggap-tanggap sa mamamayan. Ngunit habang mga halal na pulitiko ang nagsusulong nito, mukhang malabong mangyari maliban na lang kung gagamitan ng “magic”.