EDITORYAL - Ipagbawal ang mga mapanganib na paputok
Marami nang nasayang na buhay at naabong ari-arian dahil sa mga ipinagbabawal na paputok. At sa kabila nito, marami pa rin ang gumagawa at nagbebenta ng paputok. Kahit may batas na nagbabawal sa paggawa at pagbebenta ng mga paputok, walang natatakot at patuloy na sinusuway ang batas.
Noong Linggo ng umaga, dalawa ang namatay at lima ang nasugatan nang sumabog ang mga paputok na nakakarga sa isang cargo truck habang nakaparada sa bus terminal sa Calumpang, Marikina City. Sa lakas ng pagsabog, pati ang nakaparadang bus sa tabi ng bus ay nasunog. May mga tindahan din na nasira dahil sa pagsabog.
Ayon sa mga awtoridad, galing Taytay, Rizal ang truck at pumarada lang sa terminal para magpahinga ang driver at pahinante nito nang maganap ang pagsabog. Sa pag-iimbestiga, mga firecrackers na karga ng bus ang dahilan ng pagsabog. Ayon pa sa pulisya, maaring itinago ang mga paputok sa loob ng truck dahil walang permit ang mga ito. Inaalam pa ang may-ari ng truck at kung saan galing ang mga paputok.
Ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok ay mahigpit na pinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 7183. Noong 2017, isang Executive Order ang nilagdaan ni dating President Duterte na nagbabawal sa mga mapaminsalang paputok. Ayon sa Philippine National Police (PNP) ang mga paputok na mahigpit na ipinagbabawal ang Judas belt, Higad, Osama bin Laden, Goodbye Philippines, Piccolo, Bawang, Atomic Bomb, Super Lolo, Pillbox, Super Yolanda at iba pa. Ipatutupad umano ng PNP ang batas para rin sa kapakanan ng publiko. Matapos ang termino ni Duterte noong 2022, lumuwag ang batas at marami na naman ang gumagawa at nagbebenta ng mga illegal na paputok. May mga naitalang pagsabog at sunog sa Bulacan, Laguna at Cavite dahil sa mga illegal na pagawaan ng paputok.
Nanawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) na ipatupad ang “total ban” sa mga mapanganib na paputok kaugnay ng pagsalubong ng Bagong Taon. Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, ang mga LGUs ay maaaring magtalaga ng mga pampublikong lugar para mapanood ng mga tao ang fireworks displays.
Matagal nang iminumungkahi ang pagkakaroon ng isang lugar sa bawat barangay na pagdarausan ng fireworks display pero walang natupad. Pawang plano ang LGUs. At dahil dito, marami pa rin ang napuputukan, na karamihan ay mga bata. May mga bata na nabubulag at napuputulan ng daliri dahil sa mga pinagbabawal na paputok.
Ipatupad ang total ban sa mga mapanganib na paputok para maging ligtas ang pagdiriwang ng bagong taon.
- Latest