PhilHealth vs AIDS
DUMARAMI ang kaso ng mga HIV positive sa bansa at dito’y gumaganap nang mahalagang papel ang PhilHealth. Sa unang araw ng Disyembre ng taong ito, ipinagdiwang ng buong daigdig ang World AIDS Day upang lumikha ng public awareness at ang mga tao’y mag-ingat sa seryosong sakit na ito.
Gawain ng PhilHealth na tustusan ang pangangailangang medical ng mga positibo sa sakit at mapanatili ang kalusugan habang wala pang tiyak na lunas para rito.
Ang kaso ng Human Immuno Deficiency Syndrome (HIV) ay tumaas ng 327 percent sa ating bansa, samantalang ang mga namatay sa full blown Acquired Immuno Deficiency Syndrome (AIDS) ay tumaas ng 401 porsiyento. Ito ay ayon sa 2022 Global AIDS monitoring report.
Bagamat wala pang lunas ang karamdaman, manageable pa rin ang HIV para huwag humantong sa nakamamatay na AIDS. Ito ay sa pamamagitan ng antiretroviral therapy na kinapapalooban ng mga gamot na nirereseta ng mga health providers. Sa paraang ito, mababawasan ang HIV sa katawan ng mga pasyente at nananatili siyang malusog.
Ang PhilHealth ay may Outpatient HIV/AIDS Treatment Package na sinimulang ipatupad noon pang 2010 at ang coverage ay umaabot sa halagang Php 30,000 bawat taon. Kasama sa package ang konsultasyon o screening para sa may tuberculosis, pagtukoy sa blood toxicity level sa pamamagitan ng lipid profile, CBC, serum creatinine at fasting blood sugar.
Kasama rin ang monitoring ng reaksiyon ng katawan ng pasyente sa gamutan. Ang mga kasong sakop ng benepisyong ito ay yung kumpirmado ng San Lazaro Hospital Reference Laboratory/STD AIDS Central Cooperative Laboratory.
- Latest