Ngayong papalapit na ang Pasko, agresibo ang pangtutuso ng mga Online Lending Application (OLA) sa social media at sa YouTube.
Tinuturuan ang mga netizens ng step-by step kung paano makautang. Andiyan ang pagpapakitang sila raw ay lehitimo at Security and Exchange Commission Registered.
Lehitimo nga, lisensiyado nga, subalit ang panloloko’t pang-aabuso, nakakubli.
Eto ang bagong technique. Ididikit ang kanilang mga sponsored ads at campaign sa YouTube Page at mga uploaded videos ng BITAG.
Sa YouTube search engine, kapag hinanap ang salitang “bitag”, bubulaga ang mga video advertisements ng mga putok sa buhong OLA.
Oo nga naman, kapag sa mga palabas o sa YouTube Page ng BITAG sila nakita, aakalain ng mga manonood na ineendorso sila ng aming programa.
Mahihikayat ang kahit sino na mangutang dahil nakita raw sa BITAG. Kaya ang ending, hulog sa patibong ng pangungutang at panloloko ng mga OLA.
Kuwidaw, wala kaming kinalaman sa kahit na anong OLA. Tandaan, may krusada ang BITAG laban sa mga lintek na OLAng ito.
Hindi lang maawat ang katigasan ng ulo ng ilang Juan Dela Cruz na mangutang sa mga pesteng ito. Binabalewala ang babala ng media maging ng mga otoridad.
At kapag hindi nakapagbayad sa tamang panahon, babalahurain, babastusin, babantaan at bababuyin ng mga kolektor at ahente ng OLA. Sabay takbo sa media katulad ng BITAG para magsumbong.
Kaya mag-ingat! Huwag tangkilikin ang pangtutuso ng kahit na anong OLA! Huwag paniwalaan ang panggagamit ng kahit na anong OLA sa pangalan ng BITAG.
Matagal nang nagdeklara ng giyera ang BITAG laban sa mga OLA.