EDITORYAL - Maraming estudyante ang nabu-bully

Noong Disyembre 5, inilabas ang 2022 Program for International Student Assesment (PISA) na nagsasabing mahina ang mga Pilipinong estudyante edad 15 sa Science, Math at Reading Comprehension. Itinurong dahilan sa kahinaan ng mga estudyante ang kahirapan, kawalan ng nutrients sa kinakain, siksikan sa classroom at kakulangan ng mga mahuhusay na guro.

Pero meron pang isang dahilan kaya mahina ang mga estudyante sa mga nasabing larangan o asignatura. Ayon sa assessment ng PISA, ang bullying ay isa sa mga dahilan. Isa sa tatlong estudyante na may edad 15 ang nakararanas ng pambu-bully mula sa kanilang kaklase. Nangyayari ang pambu-bully minsan sa isang linggo.

Ayon sa PISA, kabilang sa nararanasang bullying ang pagnanakaw, pagtatago o pagsira sa gamit ng estudyante, pananakit gaya ng panununtok at pananabunot, pagkakalat ng tsismis o masasamang balita laban sa estudyante at hindi pagbibilang dito sa mga group activities.

Ang pinakamaraming naitalang pambu-bully na naitala ng PISA ay noong 2019 kung saan, lumabas na 6 sa 10 teenager ang regular na binu-bully sa mga paaralan.

Ayon sa PISA, sa mahigit 7,000 Filipino students na 15 taong gulang, 65% rito ay binu-bully ng ilang beses sa loob ng isang buwan.

Nang magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on basic education noong nakaraang Pebrero 2023, ibinunyag ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng komite, na 17.5 milyong estudyante sa bansa ang nakararanas ng pambu-bully. Ang binulgar ni Gatchalian ay kinumpirma rin ng Child Protection Network Foundation (CPNF). Ayon pa kay Gatchalian, lumalabas na ang Pilipinas ang nangunguna sa mahigit 70 bansa pagda­ting sa bullying na may edad 13-17.

Sa kabila na maraming estudyante ang nabu-bully, tila wala namang ginagawang hakbang ang Department of Education (DepEd) para malutas ang problemang ito. Hindi naipatiutupad ang mga anti-bullying measures sa mga eskwelahan sa bansa. Kahit matagal nang nangyayari ang bullying, hindi gumagawa ng hakbang para makapag-hire ng mahuhusay na guidance counselor na tutulong sa mga estudyante kung bakit nangyayari ang bullying.

Naniniwala kami na ang report ng PISA ukol sa rami ng nabu-bully ay hindi pa sapat. Marami pa at hindi lamang narereport dahil natatakot. Dahil din sa pambu-bully, mara­ming estudyante ang hindi pumapasok dahil nagkakaroon ng trauma sa nararanasang pambu-bully ng mga kaklase.

Ang problema sa pambu-bully ay nararapat resolbahin ng DepEd. Kawawa naman ang mga estu­dyante—mahina na nga sa Math, Science at Reading Comprehension ay alipin pa ng bullying. Kilos DepEd!

Show comments