Isang kaso ito tungkol sa pag-ampon ng isang banyaga sa isang batang Pilipino. Ang isyu sa kaso ay tungkol sa banyaga na kasal sa isang Pilipina at gustong ampunin ang anak sa pagkadalaga ng kanyang asawa. Puwede kayang ampunin ng banyaga ang bata?
Tungkol ito kay Jenny na may anak sa labas, si Gino, na ang tatay ay si Baldo na iniwanan si Jenny noong apat na buwan pa lang na buntis ang babae. Wala na siyang narinig tungkol sa lalaki. Si Jenny ang nagpalaki kay Gino bilang isang dalagang ina hanggang sa makilala niya si Kyoto, isang Japanese na nanligaw sa kanya hanggang sa magpakasal na sila noong pitong taong gulang na si Gino.
Limang taon pagkatapos nilang magpakasal ay nagsampa ng petisyon ang mag-asawa para sa pag-ampon kay Gino. Hiniling nila na gawin siyang legal na anak nila at magkaroon ng lahat ng karapatan ng isang legal na ampon ayon sa nakasaad sa batas.
Sa paglilitis ay inihain nina Jenny at Kyoto ang ulat ng DSWD (home study report) na nirerekomenda na payagan ang petisyon. Inihain din ang kanilang kasamiyento ng kasal at mga police report na indikasyon ng kanilang kapasidad at kakayahan na mag-ampon, mabuting karakter nila at patunay na hindi sila nakasuhan pati may sikolohikal silang kakayahan na mag-ampon.
Iyon nga lang at tinanggihan ng RTC ang petisyon nila na mag-ampon. Ayon sa RTC ay hindi naisumite ni Kyoto ang lahat ng dokumentong kailangan para siya mag-ampon ayon sa hinihingi ng kanyang bansa tulad ng alien certification of qualification. Hindi raw lusot si Kyoto sa mga patakaran na nakasaad sa batas – Section 7 (b) RA 855 dahil anak sa labas ni Jenny si Gino at wala siya sa kategorya ng relasyon (4th civil degree) na kinakailangan. Tama ba ang RTC?
Mali sabi ng SC. Ang mga umaampon kay Gino ay may karapatan na ipilit na kamag-anak ni Jenny ang bata hanggang sa ikaapat na antas o 4th civil degree ayon sa nakasaad sa Section 7 (b) (1) at (111) ng RA 8552. Ang lapit ng relasyon ay tinitingnan base sa rami ng generasyon ng pamilya.
Bawat isang henerasyon ay isang antas. Ang antas ay puwedeng direkta o base sa pagpapakasal nila. Ang direktang linya ay ang dami ng antas mula sa ninuno hanggang sa apo nila. Halimbawa, ang anak ay isang antas mula sa magulang, dalawang antas sa kanyang lolo’t lola atbp. (Art. 963-966 Civil Code). Ang tinitingnan sa batas ay ang relasyon sa dugo at hindi sa estado.
Kaya tama lang isipin na sadyang sakop ng RA 8552 si Gino na anak ni Jenny at pasok sa terminong kamag-anak ayon sa Section 7 (B) (111) dahil kadugo siya sa unang antas. Ang desisyon ng RTC ay dapat lang baliktarin at isantabi (In Re Petition for Adoption of Jan Aurel Bulayo etc., G.R. 205752, October 1, 2019).