NANG humupa na ang banta ng pandemya ng COVID-19, unti-unti sumigla ang ekonomiya. Nanumbalik ang normal na operasyon ng mga negosyo.
Naglabasan na rin ang mga problemang dulot ng pagkaudlot ng face-to-face transactions. Kabilang na rito ang industriya ng real estate.
Maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nag-invest, bumili ng condominium. Pampersonal o pang-negosyo man, marami talaga ang sumabak.
Karamihan sa kanila, sumugal sa pre-selling. Sa pangako ng developer sa pamamagitan ng mga ahente na maaari nang tirahan sa loob ng ilang taon.
May ilang developer, hindi nakasunod sa schedule of delivery. Bayad na ang kliyente, hindi pa nakatayo ang gusali ng condominium.
Bukod dito, nakaabot din sa BITAG ang reklamo ng mga buyers na nailipat ang kanilang unit sa ibang buyer. Paanong nangyari—Maceda Law daw.
Eto ang modus ng ilan sa mga real estate developers. Ginagawang panangga ang Maceda Law para walang refund na makuha ang buyer.
Kung susuriin mong maigi, kasalanan naman ng developer at hindi ng mga kliyente o buyer. Tulad nitong isang kilalang real estate developer na kamakailan lang, ipina-BITAG.
Nagkaroon ng problema sa komunikasyon nang magpandemya. Nagpadala umano sila ng mga detalye sa mga kailangan kumpletuhin ng OFW na nasa Japan, subalit hindi ito nakaabot sa kliyente.
Pero ang abisong kailangang bayaran ng buo ang kulang ng OFW, natanggap naman ng nagrereklamo. Nakapagtatakang bakit ang mga detalye ng mga pinapakumpletong dokumento, hindi umabot.
Gagamitin na naman ng developer ang isyu ng Maceda Law subalit nahimay ng BITAG ang mga lapses o pagkukulang sa parte ng developer. Wala pang isang linggo, nakuha ng nagrereklamo ang full refund.
Hindi eksperto ang BITAG sa industriyang ito, pero hindi rin kami bobo. Ginagabayan kami ng mga abogadong bihasa sa mga ganitong kaso kaya hindi kami maloloko.
Next target, ang developer na kapangalan ng Santo. Tumatambak na ang listahan ng mga nagrereklamo sa BITAG – tiyak, tatamaan dito ang pinuno ng mga pabahay.
Abangan!