Nakakatuwa ang larong Pinoy Henyo, lalo na sa mga bata. Napapabilib ang matatanda sa mga tanong at sagot nila. Ang bibilis ng isip ng mga bata, ma-imahinasyon, mapag-analisa.
Lahat ng bata maaring maging henyo. Pagpupulutan ng aral ang Polgár sisters: Susan, Sofia, Judit. Mga anak sila nina Hungarian psychologist László Polgár at Ukranian foreign language teacher Klara.
Nanliligaw pa lang si László nang ilahad kay Klara ang planong gawing eksperto ang anak sa piniling larangan. Dapat wastong pagsasanay, ani László, batay sa pag-aaral sa dose-dosenang henyo.
Nu’ng ikasal, inisip nina László at Klara na isabak ang mga anak sa Languages at Math. Walang babaing European na eksperto ru’n noon.
Pero sa chess nila hinasa si panganay Susan para malinaw ang panukat. Sa edad 4, nag-champion si Susan sa Budapest Girls Under 11; 10 panalo, 0 talo, 0 tabla. Edad 15 nag-No. 1 babaeng player sa mundo.
Sinabak din sa chess si Sofia. Edad 14 nang mag-No. 1 sa Rome tournament; tinalo pati mga lalaking grandmasters. Naging No. 6 na babaeng player sa mundo. Dinaig ni Judit ang mga ate. Edad 15 naging grandmaster. Pinakabata siya noon, lalaki o babae, na makamit ang titulo. Tinutukan ng mga magulang ang home schooling ng tatlo.
Gawin ding henyo ang anak mo, hikayat ni Inquirer columnist Dr. Leonardo Leonidas, retiradong pediatrics professor ng Boston Tufts University. Aniya, sinuri ni Dr. Benjamin Bloom ang 120 tanyag na Olympic swimmers, tennis champions, pianista, iskultor, research mathematicians at neurologists. Paano ang kabataan nila?
Apat ang pare-parehong katangian: (1) Pumili sila habang bata ng hilig. (2) Hilig din ‘yon ng mga magulang at alam kung paano sila pauunlarin. (3) May kakumpitensiya at modelo silang kuya o ate. (4) Mahusay umudyok ang magulang. Idagdag ko, isali sa Pinoy Henyo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).