Mahirap matukoy ang mga pangkalaha-tang kinikita o sinasahod ng mga overseas Filipino worker sa buong mundo. Depende kasi ito sa klase ng kanilang trabaho, sa kanilang katayuan, kuwa-lipikasyon at kalagayan sa kinaroroonan nilang dayuhang bansa, at iba pang bagay na maaaring nagiging basihan ng halagang kanilang kinikita buwan-buwan. May mga propesyon o karera na maaa-ring mataas ang sahod sa isang bansa pero mababa naman sa ibang bansa.
Siyempre pa, kahit magkano pa ang suweldo ng mga OFW, nagiging mas malaki ang halaga nito kapag ipinapadala nila sa Pilipinas. Nagiging kaabang-abang nga sa mga OFW kapag tumataas ang halaga ng dolyar dahil mas malaki ang kapalit nito sa pera ng Pilipinas. Lumalaki ang halaga ng perang ipinapadala nila sa kanilang pamilya o ibang mahal sa buhay. Gayunman, hindi lahat ng mga dayuhang pera ay magkakapareho ang halaga kapag ipinagpapalit sa perang Pinoy. Kung meron sa kanila na napakalaki ng halaga ay meron ding napakaliit ang katumbas sa lokal na pera ng Pilipinas. Madali itong mapapansin sa fo-reign exchange market. Ipinapakita ito araw-araw sa mga bangko, mga pahayagan, mga report sa stock market, mga kaukulang website, sa telebisyon at maging sa mga money exchange center. At araw-araw na pabago-bago ang halaga ng lahat ng pera sa mundo.
Dahil nga may mga dayuhang pera na napa-kaliit ng halaga kapag ipinagpapalit sa pera ng Pilipinas, maliit din ang perang matatanggap ng mga pinapadalhan nito. Maliban na lang kung napakataas ng sahod ng OFW sa pinagtatrabahuhan niyang bansa na dahilan para maging mas malaki pa rin ang ipinapadala niyang pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas kahit pa napakaliit ng halagang katumbas nito sa perang Pinoy.
Mataas ba talaga ang sahod ng mga OFW sa ibang bansa? Totoong mataas kapag papalitan sa Philippine peso ang kanilang sahod na nasa perang dayuhan. Pero huwag kalimutan na ang mga OFW ay merong mga ginagastos sa kinaroroonan nilang bansa. Mga gastusin na nakakaapekto at natural na nakakabawas sa kanilang sinasahod buwan-buwan at maging sa perang ipinapadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Maaaring bayad sa inuupahan nilang tirahan, pagkain sa araw-araw, bayad sa tubig at kuryente, singil sa internet connection at mga tawag sa telepono, mga buwis, pamasahe sa pampublikong sasakyan tulad ng sa pagpasok at pauwi mula sa trabaho, personal na gastusin, mga utang na kailangang bayaran tulad sa mga bangko o ahensiya o institusyon, o mga indibidwal at iba pa. Nariyan din ang mga buwis na binabayaran nila o kinakaltas sa kanilang sahod. May mga OFW na bukod sa permanente nilang trabaho ay kumukuha pa ng ibang trabaho para madagdagan ang kanilang kinikita at mapunuan ang kanilang mga gastusin. Lubhang kumplikadong matukoy ang mga aktuwal na gastusin ng mga OFW dahil hindi naman magkakapareho ang kanilang mga sitwasyon. Maaaring hindi ito pro-blema sa mga OFW na napakalaki ng kinikita pero paano iyong maliliit lang ang sinasahod?
Nariyan din ang tinatawag na cost of living sa dayuhang bansang kinaroroonan ng isang OFW. May mga bansang lubhang napakataas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo kaya malaking sakripisyo sa mga OFW ang matinding pagtiti-pid kung napakaliit ng kanilang sahod. Hindi lang naman dito sa Pilipinas tumataas ang mga presyo ng mga bilihin at serbisyo. Nangyayari rin ito sa ibang mga bansa sa mundo.
Lumalabas nga sa isang report ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2022 na sa buong mundo, napakaliit ng suweldo ng mga Pilipino kumpara sa sahod ng mga lokal na mamamayan ng kina-roroonan nilang bansa kahit pare-pareho ang kanilang trabaho, karanasan at kasanayan. Merong diskriminasyon laban sa mga manggagawang Pinoy. Sa ilang bansa sa Middle East halimbawa, mas mataas ang sahod ng mga Pilipinong nagmula sa Canada kumpara sa nagmumula sa Pilipinas. Mas pinapaboran ang mga empleyadong Ame-rican, Canadian, British o Irish national na nakakatanggap ng 25,000 hanggang 30,000 UAE dirham na apat na beses na mas mataas kumpara sa sinasahod ng mga Pilipino. Ang mga nurse na Arabo ay sinasahuran halimbawa ng 16,000 UAE dirham habang ang mga Pilipino ay 8,000 UAE dirham lamang.
Sa mga barko, mas maliit ang sahod ng mga Filipino seafarer kumpara sa mga kamanggagawa nilang mga Westerner. Sa mga Asian, mas mataas ang sahod ng mga Korean at Hapones kaysa sa mga Pilipino. Mas pinapaboran ng may-ari ng barko ang mga empleyadong kalahi nila na mas mataas ang sahod at napo-promote sa trabaho.
Lumabas din sa December 2020 study ng International Labor Organization na ang suweldo ng mga dayuhang manggagawa sa mga maya-yamang bansa tulad sa United States, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Hong Kong, Qatar at Singapore na pinagtatrabahuhan ng maraming OFW ay mas mababa nang 12.6 porsiyento kumpara sa mga lokal na manggagawa sa mga kapareho nilang trabaho o propesyon sa mga bansang ito
Sinasabi ng Center for Migrant Advocacy (CMA) na dahil bihirang makahanap ng trabahong may mataas na pasahod at tumataas ang cost of living sa Pilipinas, tinatanggap na lang ng mga OFW ang anumang sahod na ibinibigay sa kanila sa ibang bansa. “Pagdating nila (OFW) sa isang dayuhang bansa, masaya na sila dahil nakakapagpadala sila ng pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Pero kung ikukumpara ang suweldo nila sa mga lokal na manggagawa sa dinayo nilang bansa, napakaliit ng kanilang sahod. Gayunman, mas mataas na ito kung ikukumpara sa sahod nila noon sa Pilipinas,” sabi ni Ellene Sana ng CMA.
* * * * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com