WALANG pagbabago sa kaalaman ng mga Pilipinong estudyante na may edad 15 kung ang pag-uusapan ay tungkol sa math, science at reading comprehension. Mahina ang mga estudyanteng Pilipino sa mga nabanggit na asignatura ayon sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Ayon sa PISA, ang mga estudyanteng Pilipino ay nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para masabing pasado kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading.
Ang mga estudyante sa Singapore ang nananatiling mataas: math, 575 points; reading, 543 at science, 561. Bukod sa Singapore, mataas din ang score ng mga estudyante sa Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, Japan, Korea at Chinese Taipei sa tatlong subjects.
Ang Pilipinas ay unang lumahok sa PISA noong 2018 at mababa rin ang nakuhang points ng mga Pinoy students noon. Sa reading comprehension ay nakakuha lang ng 340 points. Mataas pa ang nakuha ng Kosovo at Dominican Republic na nakakuha ng 342 points. Nanguna naman ang China, Singapore, Macau at Hong Kong.
Matatandaan na sinabi ng Department of Education (DepEd) noong 2018 na kaya sumali ang Pilipinas sa PISA ay para matukoy umano nila ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa bansa. Nag-udyok din umano sa kanila para ma-assesed ang kaalaman ng mga estudyante ay dahil mababa o mahinang performance ng mga mag-aaral sa National Achievement Test (NAT).
Ngayong alam na alam na ng DepEd ang kahinaan ng mga estudyanteng may edad 15 sa mga nabanggit na subjects, gagawa na kaya sila ng paraan para mabago naman ang performance ng mga estudyante. Meron na kaya silang sistemang naiisip para mabago ang nakukuhang score na talagang nakadidismaya.
Naniniwala kaming walang mahina o bobong estudyanteng Pilipino. Nakikita namin na maraming mali sa sistema ng pagtuturo kaya ganito kasama ang iskor na nakukuha ng mga estudyante. Nararapat baguhin ang sistema kung saan maraming pasanin ang estudyante sa kanilang pag-aaral.
Isa rin sa mga dahilan ay ang sobrang dami ng mga estudyante sa classroom na umaabot sa 50 hanggang 60. Siksikan sila sa classroom kaya halos wala nang matutuhan sa mga sinasabi ng guro.
Mahalaga ring malaman kung may kakayahan ba ang guro na nagtuturo ng math, science at reading comprehension. Maaaring walang kasanayan ang guro. Dahilan din ang mga maling grammar sa English textbooks.
Ang mga dahilang ito ay dapat pagtuunan ng atensiyon ng DepEd para mabago ang nakakahiyang score na nakukuha ng mga estudyante taun-taon sa PISA.