ANG issue sa terorismo ay matagal nang hindi napag-uusapan. Palibhasa’y natabunan na ito ng ibang pandaigdig na issue gaya ng expansionism ng China, giyera ng Russia sa Ukraine at ang pinakahuli ay ang sigalot sa Israel.
Noong kasagsagan ng mga pambobomba sa iba’t ibang panig ng daigdig, laging nangunguna sa balita ang pangalang ISIS o Islamic State of Iraq and Syria.
Mga radikal na elementong Islam ang grupong ito na ang layunin ay magtatag ng caliphate sa buong mundo na tanging Islam ang nangungunang relihiyon. In fairness sa mga Muslim, hindi lahat sila’y katig sa ipinaglalabang ito ng mga radikal na Islam.
Humupa ang mga bombing cases sa buong daigdig at hindi na napag-uusapan ang ISIS hanggang sa naganap muli ang malagim na pambobomba sa Marawi na inamin ng ISIS na sila ang may kagagawan. Nagpapapansin na naman ang mga Islamic fundamentalist.
Ang terorismo ay laganap sa buong mundo na ang pinakamalagim ay ang pagbangga ng dalawang commercial planes sa World Center twin building sa New York noong Setyembre 11, 2001. Libu-libo ang namatay sa insidente.
Itong pinakahuling pambobomba sa Marawi ay posibleng pahimakas ng panibagong plano ng mga terorista na ituloy ang nauna nilang naunsiyaming operation. Ito ay panibagong problema ng mga leader ng bansa sa buong mundo.
Sinisiyasat din umano ng mga awtoridad ang partisipasyon sa bombing ng grupong Dawlah Islamiyah Maute. Sa tingin ko, kahit iba-iba ang pangalan nila, iisa ang kanilang isinusulong na layunin: ang maghasik ng karahasan sa ngalan ng kanilang lisyang pananampalataya.