EDITORYAL — Hanapin at pagbayarin ang mga terorista

HINDI tumitigil ang mga terorista sa paghahasik ng lagim. Naghihintay lang sila ng tamang pagkakataon at saka aatake. Uhaw sila sa dugo ng kapwa. Ang masama, pati ang mga inosenteng sibilyan ay idi­nadamay nila. Iyan ang tatak ng mga terorista na walang pagmamahal sa buhay. Ang gusto nila, mamatay ang kapwa sa karumal-dumal na pamamaraan.

Noong Linggo ng umaga, dakong alas siyete, habang idinadaos ang isang misa sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU), isang improvised explosive device (IED) ang sumabog. Apat ang namatay sa pagsabog at mahigit 50 ang nasugatan.

Maraming kumundena sa pagsabog, kabilang si President Ferdinand Marcos Jr. at ipinag-utos na tugisin at hulihin ang mga responsible. Sabi ng Presidente, hinala niya, mga dayuhang terorista ang nagsagawa ng pambobomba. Kahapon, inamin ng teroristang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) na sila ang res­ponsible sa pambobomba sa MSU gymnasium.

Ang ISIS ay kabilang sa mga teroristang nagsagawa ng siege sa Marawi City noong 2017, kasama ng Maute at Abu Sayyaf. Ang ISIS din ang sinasabing utak ng pambobomba sa Jolo Cathedral noong 2019.

Sabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang pambobomba sa MSU ay paghihiganti ng mga terorista dahil sa maigting na operasyon ng militar laban sa mga ito sa Mindanao. Noong nakaraang linggo, 11 miyembro ng terorista ang napatay ng militar sa isang operasyon. Napatay din kamakailan ng military ang Abu Sayyaf leader na si Mundi Sawadjaan, na utak sa pambo­bomba sa Jolo Cathedral.

Sabi ng Philippine National Police (PNP) ang gina­mit na IED ng mga terorista sa MSU ay walang ipi­nagka­iba sa device na ginamit sa mga nakaraang pambo­bomba sa Mindanao. Kahapon, sinabi ng PNP na mayroon na silang natukoy na suspect sa pambobomba. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nila nadadakip ang mga nasa likod ng karumal-dumal na bombing.

Paigtingin naman sana ng PNP at military ang kanilang intelligence gatherings. Nakapagtataka kung paano naipasok sa MSU ang IED. Nagkaroon ba ng mga pagluluwag sa seguridad?

Marami nang pambobomba na naganap sa bansa at tila kung kailan may naganap na pambobomba, saka lamang naghihigpit. Saka lamang nagse-set-up ng checkpooints. Maging alerto rin ang mamamayan. Maging mapagmatyag sa kapaligiran.

Show comments