EDITORYAL - Bitay sa drug traffickers
Mahigpit ang batas ng China ukol sa illegal na droga. Kamatayan ang parusa sa mahuhulihan ng droga at hindi sila nagpapatawad sa sinumang lumabag sa batas. Ang batas ay batas at kailangang maisilbi sa mga nagkasala. Mabigat ang kasong droga at para matigil, kamatayan ang nararapat sa nagkasala. Ganyan kahigpit at kabangis ang batas sa China. Sa batas ng China ang sinumang mahuhulihan ng 50 gramo ng droga ay may katapat na parusang kamatayan.
Noong nakaraang linggo, dalawang Pinoy ang binitay sa China dahil sa drug trafficking. Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Pilipino ang ginawaran ng kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection. Ginawa umano ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng hakbang upang maisalba sa bitay ang dalawa at mapababa ang sentensiya subalit sadyang mahigpit ang batas ng China. Ipinagkaloob umano ng pamahalaan ang lahat ng legal assistance sa dalawang Pinoys mula nang maaresto ang mga ito noong 2013 makaraang magpasok ng kilu-kilong shabu sa China. Hindi na pinangalanan ang dalawa sa kahilingan ng mga pamilya nito.
Hindi ito ang unang pag-execute sa mga Pilipinong drug courier. Noong Marso 2011, tatlong Pinoys—isang lalaki at dalawang babae ang ni-lethal injection makaraang mapatunayan na nagpasok ng kilu-kilong heroine sa China noong 2008. Umapela ang gobyerno ni President Noynoy Aquino pero hindi pinagbigyan. Ginawa rin ang lahat nang paraan para mapababa ang sentensiya pero walang nangyari.
Noong Disyembre 2011, isa na namang 35-anyos na Pinoy ang ni-lethal injection sa Guangxi province makaraang mapatunayan na nagpasok nang ilang kilong heroine.
Ayon sa report, may mga Pinoy pang nasa death row—pawang may kaugnayan sa droga ang kaso. Hindi pa tiyak kung kailan sila papatawan ng parusa. Ginagawa rin umano ng pamahalaang Pilipinas ang lahat nang paraan para mailigtas ang mga convicted Filipinos.
Mabigat ang drug trafficking. Dito sa bansa, talamak ang problema sa droga. Marami ring nagpapasok ng shabu at ang iba ay may sarili pang laboratory. Maraming dayuhan—Chinese, Nigerians, Mexicans ang nasa kulungan dahil sa drug trafficking. Masuwerte sila at walang death penalty sa Pilipinas. Hindi katulad sa China, Saudi Arabia, Indonesia at Iran na kamatayan ang parusa.
Isang dahilan marahil kaya maraming ginagawang drug haven ang Pilipinas ay dahil magaan ang parusa—habambuhay na pagkabilanggo lamang. Dapat mag-isip ang pamahalaan ukol dito.
- Latest